Internet, nawala; 3 sasakyan wasak sa bumagsak na poste
- BULGAR

- Oct 18, 2020
- 1 min read
ni Lolet Abania | October 18, 2020

Tatlong sasakyan ang nawasak matapos mabagsakan ng naputol na poste dahil sa mga kable na sumabit at nahila ng trak, gayundin, nawalan ng serbisyo ng internet sa Tondo, Maynila kanina.
Naganap ang insidente dakong alas-4 ng madaling-araw ngayong Linggo, kung saan binabagtas ng 40-footer truck na nanggaling sa Malabon patungong Pasig, ang Yuseco Street, Barangay 232, Tondo, Manila nang sumabit ang maraming kable sa nasabing sasakyan.
Sa tindi ng pagkakahila sa mga kable, naputol ang posteng pinagkakabitan nito at nabagsakan ang dalawang tricycle at isang Mitsubishi Adventure na nakaparada sa lugar.
Wala namang nai-report na nasaktan sa nangyari dahil walang residente sa nasabing lugar nang mga oras na iyon sanhi ng ipinatutupad na curfew at quarantine sa Maynila.
Ayon sa mga kawani ng Manila Electric Co. (Meralco), ang mga kable ng telecommunications company ang sumabit sa trak at hindi ang kanilang electric wires. Kasalukuyang nawalan ng linya at koneksiyon sa serbisyo ng internet sa buong lugar dahil sa insidente.
Gayundin, pansamantalang isinara ng awtoridad ang kahabaan ng Yuseco Street upang ayusin at linisin ang nakahambalang na poste at nagkalat na mga kable sa lugar.





Comments