top of page
Search
  • BULGAR

Inilabas ang mga laruan noong bata, senyales na kailangang magsaya kahit minsan

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 8, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Flora na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Inilabas ko ‘yung mga dolls na laruan ko noong bata pa ako, pero sa totoong buhay, wala na ang mga ‘yun at itinapon na namin dahil sobrang luma na.


May mga panaginip din ako na may mga kalaro akong bata, tapos masaya kami na naghahabulan at nagtataya-tayaan. Madalas, ako ang natataya dahil mabagal akong tumakbo, pero masayang-masaya kaming lahat.


Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip kong ito?


Naghihintay,

Flora


Sa iyo Flora,


Mukhang mabilis kang nagkaka-edad. Baka naman sobrang seryoso ka sa paghahanapbuhay dahil nakakatanda ang buhay na seryoso dahil halos hindi na siya makatawa o makangiti.


Ang pagtawa at pagngiti ay pumipigil sa pagtanda, kaya ang masayahin ay nananatiling mas mukhang bata.


Sabi ng iyong panaginip, minsan, masarap maging bata. Kumbaga, kahit seryoso ka sa buhay mo, paminsan-minsan ay kumilos at mabuhay ka na parang bata. Pero wala ka namang makakalaro ngayon dahil kapag niyaya mo ang mga kasing-edad mo, baka matawa lang sila sa iyo.


Gayunman, kapag sinabi mo sa kanila na sa buhay ng tao, minsan ay masarap maging bata, ayain mo agad ng jack-en-poy ang maniniwala sa iyo at kayo ay biglang sasaya at uulit-ulitin n’yo ang larong ito.


Maganda rin kung puwede kayong pumunta sa bukirin o pasyalan ng mga bata kung saan makikita n’yong malayang naghahabulan ang mga bata. Pero malabo na may ganitong lugar ngayon dahil bawal lumabas ang mga bata.


Mag-isip ka ng mga larong pambata at ito ay iyong laruin. Puwedeng-puwede rin at tiyak na iyong magugustuhan na harangin ‘yung tindero ng sorbetes, bumili ka at ubusin.


Puwede rin ang pagkain ng mga sitsirya, pero lagyan mo ng limitasyon.


Minsan, masarap maging bata, lalo na kapag ang tao ay sobrang seryoso sa buhay nila. Ito ang tandaan mo habang nagsisikap kang umasenso.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page