Ingay-trapiko, nagpapataas ng risk sa sakit sa puso
ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Abril 16, 2024

Dear Doc Erwin,
Ako ay isang government employee, 45 years old at may pamilya. Noong 2019 ay na-diagnose ako na may hypertension at dahil dito ay nagdesisyon ang aking doktor na painumin ako ng maintenance medication para rito.
Nakatira ang aming pamilya sa isang mataong lugar malapit sa kalsada kung saan dumaraan ang mga sasakyan araw at gabi. Dahil sa ingay dito ay nahihirapan akong matulog sa gabi, at magpahinga tuwing walang pasok. Nagsuhestiyon ang aking doktor na mas makakabuti kung lumipat kami ng tirahan sa lugar na tahimik. Makakatulong umano ito na bumaba ang aking blood pressure. Maaaring makaiwas din daw ako sa mga iba pang sakit na komplikasyon ng high blood pressure at sakit na dulot ng paninirahan sa maingay na lugar.
May koneksyon ba ang ingay sa kapaligiran sa sakit na high blood pressure, sakit sa puso at iba pang sakit? Makakatulong ba sa akin ang paglipat ng tirahan sa tahimik na lugar? Sana ay matulungan n’yo na masagot ang mga katanungan na ito. Maraming salamat. -- Jose Miguel
Maraming salamat, Jose Miguel sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc. Ganoon din sa inyong pagbabasa ng column at ng Bulgar newspaper. Sisikapin namin na masagot ang iyong mga katanungan ayon sa mga pananaliksik ng mga dalubhasa.
Ayon sa Harvard Medical School ang matagal na exposure sa ingay galing sa trapiko (traffic noise) ay may koneksyon sa pagtaas ng risk na magkaroon ng sakit sa puso.
Sinabi pa ng tanyag na medical school na may mga pag-aaral na nakita ang epekto ng exposure sa ingay galing sa trapiko (traffic noise) at ingay galing sa mga eroplano (aircraft noise). Isang halimbawa ay ang pananaliksik na inilathala ang resulta sa European Heart Journal noong November 26, 2019 kung saan pinag-aralan ng mga researcher ang 500 indibidwal sa loob ng 5 taon. Ayon sa pananaliksik na ito, ang bawat 5-decibel increase sa average noise level sa loob ng 24 oras ay nagresulta ng 34% na pagtaas sa rami ng atake sa puso, stroke at iba pang seryosong mga sakit sa puso.
Dahil sa mataas na exposure sa ingay (noise exposure) ay apektado ang ating utak partikular dito ang parte nito na nagpoproseso sa stress, takot (fear), at anxiety, na nagiging mas aktibo dahil sa ingay. Ang ingay ay nagiging dahilan din ng pamamaga (inflammation) ng ating mga ugat (blood vessels) na nagreresulta sa mga sakit sa puso o cardiovascular system.
Sa isang pang pananaliksik na inilathala noong April 2, 2020 sa Annual Review of Public Health, nakupirma rito na ang exposure sa ingay-trapiko ay nagreresulta sa stress at sleep disturbance. Sinabi rin ng mga authors ng naturang research article na ayon sa World Health Organization ang ingay dahil sa trapiko (traffic noise) ay nagpapataas ng risk sa sakit sa puso (ischemic heart disease,) stroke, obesity at diabetes. Sinabi pa sa research na ito na mas grabe ang epekto ng traffic noise sa gabi sa ating katawan na nagreresulta sa mas malalang vascular at brain damage.
Ang mga nabanggit na mga research studies ay nagpapakita ng masamang epekto sa ating katawan ng ingay (noise) na maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit. Kaya’t ang suhestiyon ng iyong doktor na lumipat ng tirahan sa lugar na tahimik ay makakatulong na magpababa ng iyong high blood pressure at makakatulong din na makaiwas ka sa sakit sa puso, stroke, at diabetes.
Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtangkilik sa Bulgar newspaper at sa Sabi ni Doc column.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com





Comments