Ingat sa pekeng MMFF ticket
ni Ryan Sison @Boses | December 21, 2023
Ingat sa mga gustong manood at magkaroon ng complimentary ticket para sa nalalapit na 2023 Metro Manila Film Festival.
May mga gumagala kasi ngayon na nagbebenta ng MMFF ticket na sobrang mahal pero mapapanood naman umano ang 10 pelikula.
Gayunman, sa ginawang entrapment operation ng Quezon City Police District (QCPD) ay naaresto ang tatlong lalaki na nagbebenta umano ng fake complimentary tickets para sa MMFF.
Sa report ng pulisya, umaabot sa P500 hanggang P1,500 kada tiket ang bentahan ng mga suspek para sa 10 movies.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority Chairman Romando Artes, wala pa silang nire-release na passes, pero meron nang naka-post sa FB na nagbebenta nito. Kaya agad silang nakipag-ugnayan sa pulisya matapos madiskubre na ibinebenta na online ang mga MMFF ticket.
Magkakasunod na naaresto ng mga otoridad ang tatlong suspek habang sinampahan na rin ng kasong estafa through falsification of public documents at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 ang mga ito.
Sinabi naman ng MMDA na plano na rin nilang magdagdag ng mga security features sa kanilang tickets para maiwasan na pekein at maibenta pa ito. Inaalam na rin nila kung sino ang maaaring kasabwat ng mga ito sa ahensya.
Mabilis talagang kumilos at walang inaaksayang oras ang mga scammer. At kahit na anong klase ng pandaraya ay papasukin at gagawin basta kumita lang sila ng pera.
Paalala natin sa ating mga kababayan, huwag agad papatol sa mga ganyang uri ng transaksyon, mapa-online o regular na bentahan. Maging wais sana tayo dahil doble o minsan triple pa ang pagiging tuso ng mga mandarambong na ‘yan.
Sanay na sanay na sila na manloko dahil naging trabaho na nila ang pang-i-scam.
Hiling naman natin sa kinauukulan na mas paigtingin pa sana ang pagtugis sa mga scammer, hulihin sila at patawan ng mabigat na parusa para hindi na sila umulit pa.
Panawagan natin sa mga kababayan na patuloy sa kanilang masamang gawain, makonsensya naman sana kayo. Huwag n’yong hayaan na umabot na lamunin kayo ng kasakiman at pagiging ganid. Isipin n’yo sana ang inyong pamilya sa tuwing papasok sa utak na gumawa ng ilegal.
Alalahanin din sana na may Diyos na palaging nakatunghay sa atin at nakikita ang ginagawa natin sa ating kapwa mabuti man ito o masama.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments