top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Ingat sa pagbili ng mga puslit na sibuyas!

  • BULGAR
  • Jan 23, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 23, 2023


Nagbabala ang mga awtoridad na posibleng smuggled o puslit mula sa ibang bansa ang malalaking sibuyas na ibinebenta sa mga palengke.


Una nang iniulat na mabibili ang malalaking sibuyas sa halagang P330 hanggang P350 kada kilo sa Pasay Public Market at ayon sa ilang nagtitinda, imported ang mga naturang sibuyas at nakuha nila ang mga ito sa Divisoria. Gayunman, hindi nila masabi ang eksaktong pinanggalingan ng mga sibuyas.


Ayon kay Department of Agriculture (DA) Deputy Spokesperson Rex Estoperez, batay sa impormasyon mula sa Bureau of Plant Industry (BPI), hindi pa dumarating sa bansa ang mga inaangkat na sibuyas. Paliwanag ng mga awtoridad, maliliit ang lokal na sibuyas, habang ang mga imported naman ay mas malaki at maayos na naka-pack.


Samantala, binigyang-diin ng BPI na posibleng may pesticide at ibang kemikal ang malalaking sibuyas kaya maaaring mapanganib ito sa kalusugan.


Gayunman, kapag napatunayang smuggled ang mga naturang sibuyas, may karapatan ang gobyerno na samsamin ang mga ito at gumawa ng legal na hakbang.


Sa grabe ng itinaas ng presyo ng sibuyas, grabe rin ang hirap na idinulot nito sa mga konsyumer.


Kaya hangga’t kayang magtipid ay didiskarte para kahit paano ay makabili pa rin ng sibuyas. ‘Yun nga lang, sa sobrang diskarte ay hindi na rin namamalayan ng ilan kung dapat pa bang tangkilikin ang mga mas murang produkto.


Tulad ng ipinaliwanag ng awtoridad, posibleng banta sa kalusugan ang pagtangkilik sa mga puslit na sibuyas. Kaya pakiusap natin sa publiko, huwag isugal ang kalusugan, iwasang tumangkilik sa mga ito.


Hamon naman natin sa mga kinauukulan, paigtingin ang mga operasyon kontra puslit na produktong agrikultura. Isa pa, panagutin ang mga nasa likod nito dahil kung walang makakapuslit, walang tatangkilikin ang taumbayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page