Ingat sa pag-click ng mga gambling apps para hindi mabiktima ng phishing
ni Ryan Sison @Boses | June 16, 2023
Nadiskubre ng National Privacy Commission (NPC) at ng mobile wallet na GCash sa kanilang isinagawang imbestigasyon na ilang mga gambling sites at apps ang ginagamit para sa account takeovers kaugnay sa pagdami kamakailan ng phishing scams.
Gayundin, ilang influencers ang posibleng hindi sinasadyang napo-promote ang ganitong gaming apps na hindi batid ang modus ng pandaraya nito.
Kaya naman, mahigpit na binalaan ng GCash ang kanilang mga user na higit na mag-ingat sa pag-access sa online gambling sites at apps, at kung maaari ay iwasan ang mga ito.
Batay sa latest scheme, lumilikha ang mga salarin ng gambling apps at nagpapanggap na sila ay accredited ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ang mga naturang apps ay nililinlang ang mga user sa pamamagitan ng verification process, saka nire-redirect sila sa fake GCash website o payment page para sa betting credits. Mula roon ay nagagawang ma-access ng mga fraudster ang mga sensitibong impormasyon gaya ng credit card details, passwords, GCash numbers, MPINs, OTPs, at iba pang personal data na maaaring magamit para magkaroon ng unauthorized access sa user accounts.
Ayon kay GCash Chief Technology and Operations Officer Pebbles Sy, ang tiwala at kaligtasan ng kanilang mga kostumer ay nananatiling kanilang pangunahing prayoridad kung kaya’t walang humpay sila sa pagtiyak na ipinababatid sa publiko ang mga phishing scam na may kaugnayan sa online gambling. Kasabay nito aniya, ang pagkakaroon ng kanilang sariling world-class security features and innovations na nagbibigay sa mga user ng additional layers of protection laban sa mga umuusbong na mga banta.
Matatandaang noong nakaraang buwan, inanunsyo ng mobile wallet company ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang law enforcement agencies para imbestigahan ang nabigong phishing attempt, kung saan naresolba ng GCash cybersecurity team sa parehong araw habang na-monitor nila ang insidente.
Patuloy na nakikipagtulungan ang GCash sa mga awtoridad, kabilang ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
Paalala rin ng GCash sa mga user na huwag i-share ang kanilang MPIN o OTP sa iba at iwasang i-click ang unknown links mula sa websites, emails, o messaging apps.
Umaarangkada na naman ang mga scammer na walang alam gawin kundi ang makapanloko at makapangulimbat ng pera sa kanilang kapwa.
Marahil, higit na dapat mag-ingat ang lahat sa pagki-click ng mga apps dahil baka hindi natin namamalayan na nauubos na pala ang laman ng ating mga account at naging biktima na ng phishing scam.
Sa kinauukulan, galaw-galaw naman d'yan at tulungan ang mga kumpanya at mamamayan sa pagresolba ng suliraning ito. Huwag sanang hintayin na kung kailan marami ng biktima saka pa lamang aaksyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments