top of page
Search
BULGAR

Ingat sa mabibilis na mata at kilos ng mga kawatan

ni Ryan Sison @Boses | October 27, 2023



Madalas nating nararanasan na sa dala ng pagod at antok, at sa pag-aakalang bitbit na ang lahat ng dalang gamit, hindi na pansin na may naiwan na palang bagay mula sa inalisang lugar.


Ito marahil ang nangyari sa negosyanteng si Maricor Flores, kung saan aabot umano sa P20 milyon ang halaga ng mga jewelries at bags na aksidenteng naiwan nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).


Batay sa kuha sa CCTV noong October 1, bandang alas-8 ng gabi, makikita ang pagdating ni Flores sa NAIA Terminal 3, habang hatak-hatak ang kanyang maleta. May kasama rin siya noon na may dala-dalang maleta, at saka sumakay si Flores sa kanyang kotse. Inakala naman ni Flores na naikarga na sa sasakyan ng kanyang driver ang maleta niya, pero sa CCTV footage, ang kasama niya ang tinulungan ng driver sa pagkuha ng gamit habang naiwan sa bangketa ang kanyang maleta.


Nalaman na lamang ni Flores na nawawala na ang kanyang maleta na naglalaman ng mga alahas at bag nang makarating na ang mga ito sa bahay.


Makikita rin sa footage, na may isang lalaki na lumapit at umupo sa tabi ng maleta at kinalaunan ay dinala ito sakay ng luggage trolley.


Inaalam na rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng naturang lalaki, habang pinaalalahanan naman ng pamunuan ng NAIA ang publiko na maging maingat sa kanilang mga gamit sa airport.


Mabilis talaga ang mga mata at kilos ng mga kawatan. Hindi sila nag-aaksaya ng panahon na makapagnakaw at makapanlamang basta pagkakaperahan.


Kung minsan naman, kapag may oportunidad ang tao sa isang bagay, may intensyon man o wala, posibleng kuhanin at angkinin na lang niya ito.


Payo natin sa ating mga kababayan na maging maingat at mapagbantay. Huwag tayo basta magtitiwala sa kahit sino, lalo’t iasa sa mga driver at kasambahay ang ating mga mahahalagang gamit. At kung sakaling nasa mga pampublikong lugar, maging alisto tayo sa lahat ng oras at huwag tutulog-tulog.


Sa kinauukulan, bukod sa mga CCTV, sana ay may ipinakakalat na mga security o kapulisan na naglibut-libot at nagmo-monitor sa mga galaw ng publiko, lalo na sa mga matataong lugar, dahil kapag nakita na sila ng mga kawatan, siguradong matatakot na ang mga itong gumawa ng masama.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page