Imposibleng bumaba ang unemployment rate kasi wala namang pumapasok na foreign investors sa ‘Pinas
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | July 8, 2023
MGA SEN. AT CONG. NA SANGKOT SA PORK BARREL SCAM ANG KABILANG SA MGA NAG-APRUB SA P500-B MAHARLIKA INVESTMENT FUND -- Nakakabahala talaga ang inaprub ng mga senador at kongresista na P500-billion Maharlika Investment Fund (MIF).
Kaya natin nasabing nakakabahala, baka makurakot lang ang P500-B na ipangpopondo sa Maharlika Investment Fund, kasi ang ilan sa mga senador at cong. na nag-aprub nito, ay mga dati nang nasangkot sa multi-billion peso pork barrel scam, boom!
◘◘◘
KUNG PAKAPALAN NG MUKHA PAG-UUSAPAN WALA NA YATANG TATALO SA MARCOS ADMIN -- Kung pakapalan ng mukha ang pag-uusapan, wala na yatang tatalo sa mga opisyal ng Marcos administration.
Sa kabila kasi ng mga kapalpakan ng "Love the Philippines" slogan na nagdulot para pagtawanan sa mundo ang Pilipinas dahil mula pala ang ilang magagandang lugar sa ibang bansa, ang mga kuhang video ng DDB Philippines ad agency na isinapubliko naman ng Dept. of Tourism (DOT), ay nanindigan si Tourism Sec. Christina Frasco na hindi nila babaguhin at tuloy pa rin daw ang slogan na “Love the Philippines".
Hindi na nahiya, talagang pinanindigan ang kanilang kapalpakan sa “Love the Philippines,” pwe!
◘◘◘
NAPAKAIMPOSIBLE ANG MGA IBINIBIDA SA PUBLIKO NG PSA -- Napakaimposible ang mga ibinibida ng mga Marcos appointee sa Philippine Statistics Authority (PSA). Matapos nilang ibida na bumaba sa 5.4% ang inflation rate ay ibinida naman nila na bumaba raw sa 4.3% ang unemployment sa ‘Pinas, na ang gustong ipakahulugan ay marami na raw ang nagkakatrabaho sa bansa.
Imposible na 5.4% na lang ang inflation rate sa ‘Pinas kasi mahal pa rin ang presyo ng mga bilihin at bayarin, at imposible rin na bumaba sa 4.3% ang unemployment dahil wala namang pumapasok na foreign investors sa bansa para sabihing marami na ang nagkakatrabaho, tsk!
◘◘◘
SA ‘PINAS, MABABA ANG SUWELDO AT MATAAS ANG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN -- Sa survey ng Synergy Market Research, lumabas na apat sa sampung Pinoy ang nagsabi na hirap daw sila pagkasyahin o tustusan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan dahil sa liit ng kanilang buwanang suweldo.
Ang nais ng mga sinurbey ay sana raw ibaba ng pamahalaan ang mga presyo ng mga bilihin at bayarin para mapagkasya ang tinatanggap nilang buwanang sahod.
Ang masaklap kasing nangyayari sa pamumuhay ng mga mamamayan sa ‘Pinas, mababa ang suweldo, pero ubod naman ng taas ang presyo ng mga bilihin at bayarin, period!





Comments