top of page
Search
  • BULGAR

Impluwensya ng planetang Jupiter at Uranus, bonggang suwerte ang dala sa ika-31 taon ng BULGAR!

ni Maestro Honorio Ong - @Pagbati ni Maestro Honorio Ong| Disyembre 2, 2022


Napakabilis ng panahon, isipin n’yo, matapos manalasa ng pandemyang dala ng COVID-19 nang humigit-kumulang tatlong taon, hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo, ang nakakatuwa at dapat nating ipagpasalamat sa Dakilang Lumikha ay narito pa rin ang paborito n’yong pahayagan na naglilingkod sa inyo, nagibigay ng mga sariwa at pangunahing balita at public service.


Siyempre, huwag din natin kalilimutan— ang pahayagang BULGAR ay Boses ng Masa: Kaisa sa Pagkakaisa para sa Pagbangon!


At dahil ika-31 taon ngayon ng ating pahayagan, isang maligayang kaarawan ang nais kong ipaabot sa ating mga mambabasa at tagasubaybay. Happy 31st anniversary sa ating lahat!


Sa pagkakataong ito, aanalisahin natin ang kahulugan ng kaarawan ng pahayagang BULGAR, kung saan eksaktong Disyembre 2, 1991 unang natunghayan ang BULGAR sa mga newsstand sa buong bansa.


Dahil December 2, 1991 ipinanganak ang BULGAR, ibig sabihin, siya ay may birth date na 2 sa destiny number na 7 at zodiac sign na Sagittarius. Naging 7 ang destiny number dahil ang December 2, 1991 ay kinokompyut nang ganito: 12+2+1991=2005/ 20+05=25/ 2+5=7.


Sa Karunungang Astrology, ang zodiac sign na Sagittarius ay nagtataglay ng planetang Jupiter at siya ang itinuturing na pinakamasuwerte sa siyam na planeta. Bukod sa suwerte, sinasabing ang sinumang naiimpluwensyahan ng planetang ito ay malayo ang mararating.


Taglay ng Jupiter ang prinsipyo ng “expansion” o pagpapalawak. Kapansin-pansing bukod sa malawak na sirkulasyon ng pahayagang BULGAR, naaabot din nito ang halos lahat ng sulok ng bansa at nakakarating din ang ating pahayagan sa iba’t ibang panig ng mundo. Gayundin, hindi maitatanggi na malawak ang mga mambabasa ng BULGAR mula sa pinakabatang miyembro ng pamilya hanggang kina lolo at lola. At mula sa pinakamahirap na sektor ng lipunan hanggang sa pinakamayaman at mga kinikilala, lalo na sa mundo ng showbiz at politika.


At sa modernong panahon ng social media, kasalukuyan ding lumalawak ang mga readers, likers, at subscribers ng BULGAR Online.


Dagdag pa rito, hindi lang “expansion” ang isa sa mga pangunahing katangian ng Jupiter, sa katotohanan, ang Jupiter ay itinuturing din na pinakamalaking planeta sa solar system.


Ang kahanga-hanga, bukod sa siya ang pinakamalaki, si Jupiter din ay nagtataglay ng napakaraming “satellites” (moon) o liwanag na tumatanglaw sa kanyang paligid.


Kaya masasabing, habang tumatagal, patuloy ang paglaki at paglawak ng impluwensya at liwanag ng pahayagang BULGAR sa lahat ng sektor ng lipunan at sa lahat ng sulok ng bansa.


Sa madaling salita, ang BULGAR ay mananatiling numero-uno dahil patuloy itong papatnubayan ng buntalang Jupiter, na siya ring pangunahing nagbibigay ng suwerte at magandang kapalaran, hindi lamang sa bumubuo ng pahayagang BULGAR kundi sa bawat mambabasa at tagasubaybay na patuloy na tumatangkilik at nagmamahal sa ating tabloid.


Samantala, hindi lang si Jupiter ang tanglaw na planeta ng pahayagang BULGAR, tulad ng nasabi na, taglay din ng birthday na December 2, 1991 ng BULGAR ang mga numerong 2 at 7. Two (2) bilang birth date nito at seven (7) bilang destiny number (12+2+1991=2005/ 20+05=25/ 2+5-7).


Bagama’t sinasabi nating weak number ang 2 at 7, dahil mahihirapan siyang makatayo sa sarili niyang mga paa nang walang kaagapay o kasangga, sa larangan naman ng publication, babasahin, entertainment at politika, hindi matatawaran ang kapangyarihan ng dalawang nasabing mga numero dahil ang mga numerong 2 at 7 ang kadalasang nakakarating sa pinakamataas na antas ng tagumpay sa tulong at tangkilik ng maraming bilang ng mamamayan sa buong bansa.


Samantala, dahil two (2) at seven (7) ang pangunahing numero, kilala rin ang pahayagang BULGAR sa dalisay, patas, makatriwan, at matuwid na pagbabalita at paglilingkod. Ito ay isa ring sikreto ng BULGAR, kaya patuloy sa paglago at pagdami ang mga mambabasa na tumatangkilik dito araw-araw.


Pansinin din ang bilang na 31 bilang ika-31 anibersaryo ng BULGAR.


Ang 31 ay may sumatotal na 4 (3+1=4), na nagtataglay ng planetang Uranus, kung saan tunay ngang marami pang surpresa, kakaibang kapalaran at malalaking suwerte ang mangyayari sa pahayagang BULGAR, na siya ring kumakatawan sa planetang Uranus – buwenas at kakaibang kapalarang may bitbit na malalaking suwerte ang inaasahang darating at magaganap sa pahayagang BULGAR at sa kanyang mga mambabasa sa paparating na taong 2023.

Muli, isang maligaya at masaganang ika-31 anibersaryo sa ating Pahayagang BULGAR at sa masugid nating mga tagasubaybay!

Mabuhay tayong lahat at maraming salamat!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page