Implementasyon ng SIM Registration Law, dapat bantay-sarado
- BULGAR
- Jan 4, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Enero 4, 2023
Sa implementasyon ng Subscriber Identity (SIM) Registration Act, tiniyak ng National Telecommunications Commission (NTC) na nababantayan nito ang proseso ng pagpaparehistro.
Sa kautusan ni NTC Officer-in-Charge Commissioner Ella Blanca B. Lopez, binuo ang NTC Task Force on the implementation of the SIM Registration Act, kung saan inaatasan ito na masusing bantayan ang proseso na ginagawa ng mga public telecommunication entities (PTEs) upang maipatupad ang batas at IRR nito. Gayundin, kasamang babantayan ang nagawang hakbang ng mga telco upang matugunan ang mga isyung nararanasan sa proseso.
Samantala, nagpasalamat si Lopez sa mga ahensya ng gobyerno, PTEs, consumer groups at publiko sa kani-kanilang papel para sa IRR ng SIM Registration.
Kasabay nito ay tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na walang dapat ipangamba ang publiko dahil ang batas ay hindi gagamitin sa state surveillance o iba pang kahalintulad na layunin. Binigyang-diin din na ang mga kokolektahing datos ay isasailalim sa striktong oversight at monitoring.
Katuwang din ang Department of Interior and Local Government (DILG) at field offices nito kasama ang Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies sa pagbibigay-suporta sa mga ahensya ng gobyerno sa SIM Registration process.
Ilang araw nang nagsimula ang implementasyon, matatandaang inulan ng reklamo ang pagpaparehistro. Pahirapan kasing magparehistro at madalas ay may server issue. Marami ang naurat at piniling ipagpaliban ang pagpaparehistro.
Habang nauunawaan nating nangangapa ang lahat, dapat kasabay nito ang pagtiyak na nababantayan na proseso ng pagpaparehistro at nareresolba ang mga isyu.
Para sa ikabubuti ng lahat, sikapin nating maging maayos at walang butas ang pagpapatupad ng naturang batas.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments