Impeachment case kay VP Sara, ‘marites’ lang pala ni Cong. Castro
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 18, 2023
‘MARITES’ LANG PALA NI CONG. CASTRO ANG IMPEACHMENT CASE KAY VP SARA -- Itinanggi ni House Majority Leader Rep. Mannix Dalipe, ang sinabi ni ACT Teacher partylist Rep. France Castro na pinag-uusapan na sa Kamara ang impeachment case laban kay Vice President, Dept. of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio.
Kung ganu’n, fake news at “marites” lang ni Cong. Castro ang sinabi niyang naghahanda na ang Kamara ng impeachment case laban kay VP Sara, boom!
◘◘◘
GALAW NG KONGRESO BABANTAYAN, KAYA LAGOT ANG MGA CONG. KAY EX-P-DUTERTE -- Sa programa ni Pastor Apollo Quiboloy ay nagpakita na naman ng galit si ex-P-Duterte sa Kamara, at ayon sa dating presidente ay kahit mag-isa lang daw siya ay magpapaka-oposisyon at babantayan daw niya ang galaw ng mga kongresista, na ibig sabihin kapag may nakita siyang mali ay babatikusin niya ito.
Hala, lagot ang mga cong. kay ex-P-Duterte, kasi kapag may sablay silang ginawa sa Kamara ay tiyak ibubulgar ito sa taumbayan ng dating presidente, period!
◘◘◘
DAHIL PABAYA AT NASAYANG LANG ANG P12B COVID-19 VACCINES NA NAG-EXPIRE, BUDGET NG DOH DAPAT BAWASAN -- Sa budget deliberation sa Senado, sa pagtatanong ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ay nabulgar na higit P12 billion halaga ng COVID-19 vaccines ang nasayang at hindi nagamit dahil expired na raw.
Aba’y kung ganyan kapabaya sa tungkulin ang DOH, dapat ay bawasan ang budget ng departamentong ito kasi napakalaking halaga ang ipinambili nila ng COVID-19 vaccines, tapos hindi itinurok sa mga tao, inimbak lang sa bodega kaya nag-expire, tsk!
◘◘◘
DAPAT IMBESTIGAHAN NG SENADO KUNG ANONG KUMPANYA ANG PINAGBILHAN NG NASAYANG NA P12 B COVID-19 VACCINES, KASI BAKA SA MALOKONG PHARMALLY ITO BUMILI -- Dapat imbestigahang mabuti ng Senado ang isyung nag-expire ang P12 billion worth ng COVID-19 vaccines na binili ng DOH.
Dapat alamin kung anong kumpanya ang binilhan ng DOH ng mga COVID-19 vaccines na nag-expire kasi baka sa Pharmally Pharmaceutical Inc. sila bumili ng bakunang pangontra sa COVID-19.
Tandang-tanda pa kasi ng publiko ang kalokohan ng mga taga-Pharmally Pharmaceutical Inc., na sa Senate investigation noon ay bumili ang DOH ng COVID-19 test kits worth P550 million sa kumpanyang ito (Pharmally), pero ang idineliber ay mga expired na COVID-19 test kits, boom!





Comments