top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Immigration at Customs Officers sa NAIA, parang sabog sa droga dahil tamang hinala sa mga pasahero

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 6, 2023
2 min read

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 6, 2023



MGA TAGA-IMMIGRATION AT CUSTOMS NA NAKATALAGA SA NAIA, PARANG MGA SABOG SA DROGA DAHIL ‘TAMANG HINALA’—Hindi lang ang mga taga-Immigration ang may tamang hinala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kundi pati mga tauhan din ng Customs.


Last year ay higit 32,000 Pinoy travelers ang hindi pinayagan ng Immigration officers na lumabas ng Pilipinas dahil sa hinalang ang lahat ng ito ay magti-TNT o tago nang tago sa ibang bansa. Pero ayon sa imbestigasyon, nasa 400 lang pala ang napatunayang magti-TNT.


Sa kabilang banda, naghinala rin ang mga Customs officers na may lamang droga ang laruang eroplano na dala ng isang OFW na pasalubong sa kanyang anak sa Ilocos, kaya winasak ito at nang tingnan ang loob, wala naman palang illegal drugs.


Ganyan ang mga nakatalagang Immigration at Customs officers ngayon sa NAIA, parang mga sabog sa droga kasi tamang hinala. Mga buset!


◘◘◘


KARAMIHAN SA MGA PINOY, ‘DI NAGUGUSTUHAN ANG GINAGAWA NI SEN. PADILLA SA SENADO—Sa survey ng Pulse Asia, lumabas na mas marami ang kontra kaysa pabor sa isinusulong na Charter Change (Chacha) ni Sen. Robin Padilla.


At dahil maraming tutol, lumabas ngayon na karamihan sa mga Pinoy ay hindi nagugustuhan ang ginagawa ni Padilla sa Senado tungkol sa pagbago sa Saligang Batas ng Pilipinas, period!


◘◘◘


KUNG ‘DI KABILANG ANG KAPWA NIYA PULITIKONG SI GOV. DEGAMO SA MGA NAPATAY, MALABO ITONG PAIMBESTIGAHAN NI SEN. DELA ROSA—Iimbestigahan ni Sen. Ronald Dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang kasong pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walo pang biktima ng pamamaril sa bahay ng gobernador para raw malaman kung sino ang mastermind dito.


Sa totoo lang, kung hindi kasama ang pulitikong si Gov. Degamo sa napatay at mga ordinary citizens lang ang nadale, malabong magkainteres si Sen. Dela Rosa na imbestigahan ito ng kanyang komite dahil libu-libong mamamayan ang biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa panahon ng Duterte administration, pero dinedma lang ito ng Senador, at hindi naman siya nagka-interes na imbestigahan at alamin kung sino ang mastermind ng EJK sa ‘Pinas. Boom!


◘◘◘


‘PALUWAGAN’ SA ‘PINAS, PLANONG KALTASAN NG TAX?—Plano ng mga Kongresista na i-regulate ang mga community ‘paluwagan’ sa bansa.


Kapag sinabing i-regulate, tiyak may kaakibat ‘yan na tax.


Ganyan katindi ang mga cong. ngayon dahil pati paluwagan ng mga ordinary citizens ay planong kaltasan ng tax. Mga buset!



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page