Imbiyerna sa mga ka-work, dapat mag-resign at mag-negosyo
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 27, 2021

KATANUNGAN
1. Isa ako sa tampulan ng intriga at pressure sa aking trabaho. Simula kasi nang mapalitan ang aming manager, sinisiraan ako ng bago naming manager sa may-ari dahil matagal na ako rito, samantalang siya ay kadarating lang at ang lamang lang niya sa akin ay kamag-anak niya ang may-ari. Madalas tuloy kaming magkasagutan at ang mga kasamahan ko na loyal sa akin noon ay sa kanya na sumisipsip ngayon.
2. Dahil nagsasawa na ako sa trabaho ko rito, balak kong mag-resign at magtayo ng sarili kong bake shop at kung sakaling ito ay mapalaki ko ito, pangarap kong dumami rin ang mga branch ng itatayo kong shop.
3. Gusto kong malaman, Maestro, kung sa negosyo bang ito ako aasenso o mas dapat na mag-abroad na lang ako? Tama rin ba ang desisyon ko na mag-resign kasi more than ten years na ako rito, pero wala namang pag-asenso dahil hindi ko naman nakuha ang target ko na maging manager man lang.
KASAGUTAN
1. Kung inaasar ka ng mga kasamahan mo at sabi mo pa ay madalas mong makabangga ang bago n’yong manager na kamag-anak ng may-ari, tama ang desisyon mo na mag-resign at magtayo ng negosyo, na siya namang nais ipagawa sa iyo ng mas malinaw at makapal na Business Line (Drawing A. at B. B-B arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad kung ikukumpara sa maganda, pero hindi masyadong makapal na Fate Line o Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
2. Tanda na higit kang aasenso sa pagbubukas ng sarili mong business na may kaugnayan din sa kasalukuyan mong trabaho at larangan na may kaugnayan sa pagkain. Ang pag-aanalisang sa produkto o kalakal na pagkain ka aasenso ay madali namang kinumpirma ng birth date mong October 15, kung saan bagay na bagay sa isang “Venusians personality” na tulad mo ang mga gawaing may kaugnayan sa pagluluto, pagbe-bake at pagma-manage ng masasarap at masusustansyang pagkain.
MGA DAPAT GAWIN
1. Kung ikaw ay maputi, mahaba ang buhok, bilugan ang mukha at pangangatawan, tulad ng nasabi na, under ka sa tinatawag na “Venusians personality”, na sadya namang susuwertehin sa negosyong may kaugnayan sa pagkain, na nagkataon pang ikaw ay isang Libra na may birth date na 15.
2. Sa pagtatayo ng sariling business, isaalang-alang mo ang kulay na pink at iba pang kulay na hinango sa pula, gayundin ang pagdi-displey ng mga sariwang halaman sa halos lahat ng paligid ng iyong bakery.
3. Sa ganyang paraan, Angel, kung sa susunod na taong 2022, sa buwan ng Setyembre hanggang Oktubre ka magsisimula ng nasabing negosyo, tiyak ang magaganap, mga lima hanggang anim na taon mula ngayon, asensadong-asensado na ang sarili mong negosyo na nakatakdang mangyari sa taong 2028, sa edad mong 45 pataas.




Comments