top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Imbestigasyon sa sabwatan ng PS-DBM at Pharmally, ituloy!

  • BULGAR
  • Nov 19, 2022
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 19, 2022


SOBRANG TAAS NA NGA NG PRESYO NG MGA BILIHIN, MAGKASUNOD PANG INAPRUB ANG DAGDAG-SINGIL SA KURYENTE AT TUBIG—Matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na magpataw ng dagdag-singil sa konsumo ng kuryente ang Meralco ngayong Nobyembre 2022, inaprubahan na rin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang hirit ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc. na dagdag-singil sa konsumo ng tubig na magsisimula sa January 2023.


Nakupo, mataas na nga ang presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo, tapos inaprubahan pa ng ERC at MWSS ang dagdag-singil sa konsumo ng kuryente at tubig?!


◘◘◘


AGRICULTURAL COUNTRY AT ARCHIPELAGIC COUNTRY ANG ‘PINAS—Sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nag-umpisa ang pag-i-import ng bigas, gulay at isda.


Dapat ang nakasanayang ‘yan ng administrasyong Duterte ay kailangang putulin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kasi hindi maganda sa paningin ng ibang bansa na ang Pilipinas ay may malawak na sakahan at napalilibutan ng dagat, tapos nag-i-import ng bigas, gulay at isda.


◘◘◘


IMBESTIGAHAN KUNG TOTOONG NA-EXPIRE ANG 31.3-M BAKUNA—Sa budget deliberation sa Senado ay nabulgar na mahigit 31.3 milyong doses ng COVID-19 vaccines na nasa pangangalaga ng Department of Health ang nasayang at hindi nagamit dahil na-expire.


Sa kuwentada, pumatak na ang 31.3-M doses ng bakuna ay nagkakahalaga ng mahigit P15.6 bilyon.


Dapat imbestigahan ng mga mambabatas kung totoong ganyan karaming bakuna ang nag-expire kasi baka palusot lang ‘yan ng mga taga-DOH, na baka “ghost delivery” ‘yan o wala namang binili at walang idiniliber, na baka ang P15.6-B na pera ng bayan ay pinagparte-partehan lang ng mga “buwaya”.


◘◘◘


ITULOY ANG IMBESTIGASYON SA SABWATANG PS-DBM AT PHARMALLY—Puwedeng ang nangyari sa 31.3-M doses ng bakuna na nasayang ay tulad sa nangyari sa mga face mask at face shield na worth P12 bilyon na idiniliber ng Pharmally Pharmaceutical, pero sa Senate probe noon ay natuklasan ni ex-Sen. Richard Gordon na “ghost delivery” pala ito, na sa pakikipagsabwatan ng mga taga-PS-DBM ay wala namang idiniliber na face mask at face shield sa pamahalaan.


Dapat, ang naputol na imbestigasyon sa sabwatan ng PS-DBM at Pharmally ay ituloy ng mga senador ngayon kasi hindi katanggap-tanggap na naningil ang Pharmally ng P12-B mula sa kaban ng bayan, tapos wala naman palang idiniliber na face mask at face shield sa pamahalaan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page