top of page
TEKA NGA - SEN. ROBIN, NANINIWALANG ‘DI NA KAILANGAN NI DANIEL NG KA-LOVE TEAM-IG _robinpa

Imbestigasyon sa flood control scam, tapusin na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 1
  • 1 min read

by Info @Editorial | June 1, 2026



Editoryal, Editorial


Kasabay ng ingay ng impeachment at palit-liderato sa Senado, agad na binalikan ang isa sa pinakamabigat na isyu na ‘di dapat masapawan ng anumang kontrobersiya—ang flood control scandal.


Sa ilalim ni Senate President Alan Peter Cayetano, muling binuksan ang imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control project. Bumuo ng isang flood control subcommittee sa pamumuno ni Senador Rodante Marcoleta.


Sa una pa lang, dapat ay malinaw na ang mandato: walang “sacred cows,” walang protektadong interes, at walang exempted sa imbestigasyon. 


Matatandaang sinuspinde noon ni Sen. Panfilo Lacson, dating namumuno sa Blue Ribbon Committee, ang nasabing imbestigasyon. Nakatengga rin ang partial report dahil kulang sa pirma ng mga senador para pormal na maisponsor sa plenaryo. 


Pero ngayong binuhay na ang imbestigasyon, umaasa ang publiko na magiging patas at lalabas na ang buong katotohanan. 


Ang perang nawawala at nasasayang ay pera ng taumbayan. Hindi ito dapat mabahiran ng pamumulitika; sa halip, dapat manaig ang pananagutan. 


Pagod na, asang-asa, at sawang-sawa na ang mga Pilipino sa walang katapusang bangayan at drama sa pulitika. Ang gusto ng ordinaryong mamamayan ay resulta, totoong serbisyo, at mga institusyon ng gobyerno na talagang nagtatrabaho. 


At sa halip na magbanatan, tutukan na lang kung paano gagamitin ng nakararami ang ipinagkatiwalang kapangyarihan. Kung may pang-aabuso, ibunyag. Pero sana, ang kritisismo ay ibatay sa katotohanan at resulta, hindi sa hinala at sariling interes. 

Deserve ng bawat Pilipino ang gobyernong matino at hindi ang walang katapusang teleserye sa pulitika.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page