Imbestigahan ang dumaraming kaso ng teenage pregnancies at HIV
ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 15, 2022
Kamakailan ay naghain ang inyong lingkod ng resolusyon upang masuri ng Senado ang paglobo ng mga kaso ng maagang pagbubuntis at Human Immunodeficiency Virus (HIV) infections sa kabataang Pilipino.
Ayon sa United Nations Population Fund (UNFPA), ang maagang pagbubuntis ay dulot ng kawalan o kakulangan ng access sa impormasyon ng reproductive health care. Ayon pa sa UNFPA, madalas hindi nakakatapos ng high school ang mga kabataang nabuntis bago ang edad na 18.
Sa paghain natin ng Proposed Senate Resolution No. 13, binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagrepaso sa Comprehensive Sexuality Education (CSE) at malaman kung epektibo nga ba ang pagpapatupad nito. Maliban sa pagpigil sa pagdami ng mga kaso ng teenage pregnancy at HIV infections, mahalaga rin ang paggabay sa mga mag-aaral tungo sa kasarinlan at pagiging produktibong mga kasapi ng lipunan.
Mula noong 2010, ang average share o bahagi ng mga teenage pregnancy sa kabuuang bilang ng mga batang nabubuntis ay umakyat sa 28 porsyento. Mula 2000-2009, ang naitala namang bilang ay nasa 21.5 porsyento.
Resulta rin ng kawalan ng kaalaman ang paglobo ng mga kaso ng HIV na sanhi ng pakikipagtalik ng walang contraceptives. Mula 1984 hanggang Marso 2019, nasa 65,463 na ang mga kaso ng HIV, 31 porsyento rito ay kalalakihang may edad 15 hanggang 24 na nag-aaral pa.
Bagama’t nagpalabas na ang Department of Education ng Department Order (D.O.) No. 31 s. 2018 upang gabayan ang pagpapatupad ng CSE, pinuna ng UNFPA ang natagalang integration nito sa K to 12 curriculum. Dagdag ng naturang ahensya, nasayang ang oportunidad na mabigyan ang kabataan ng life skills na gumawa ng wastong mga desisyon na may kinalaman sa kanilang kalusugan.
Sa kabila ng pag-akyat ng bilang ng mga kaso ng maagang pagbubuntis at HIV infections sa bansa, nais nating tiyakin bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education na magiging epektibo ang edukasyon upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng mga ito. Dapat itaguyod natin ang kapakanan at kaligtasan ng kabataan upang maabot nila ang kanilang potensyal bilang mga kasapi ng ating lipunan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments