Imbes na DOH Sec., undersecretary sa DOH ang ibinigay ni P-BBM
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 29, 2022
DOKTOR NA DOH ANG PANAWAGAN NG MAMAMAYAN, HINDI USEC. NA RET., POLICE GENERAL—Isa sa pinakamahalagang ahensya ng pamahalaan ay ang Department of Health (DOH) dahil ito ang may mandatong pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan, kaya't ang panawagan ng mga health experts kay Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ay mamili na ito ng beterano at mahusay na doktor na kanyang itatalaga bilang kalihim ng DOH.
Imbes na magtalaga ng DOH secretary, ang itinalaga ni P-BBM sa health department ay retired police general sa katauhan ni ret. Gen. Camilo Cascolan, na ini-appoint ng pangulo bilang DOH undersecretary.
◘◘◘
KUNG SINUMAN ANG NAGPAYO KAY P-BBM NA HUWAG MUNANG MAGTALAGA NG DOH SEC., SABLAY 'YAN—Ang sabi ni P-BBM, magtatalaga lang siya ng magiging head ng DOH kapag wala na o tapos na ang problema ng mundo sa COVID-19.
Ano ba ang gustong mangyari ni P-BBM, na pakuya-kuyakoy na lang sa tanggapan ang itatalaga niyang DOH secretary kasi wala na itong kahaharaping problema sa COVID-19, kaya ang gusto niya ay kapag wala na ang COVID-19 pandemic ay saka na lang siya magtatalaga ng DOH head?
Kung sinuman ang nagpayo kay P-BBM na saka na mag-appoint ng DOH secretary ay sablay 'yan!
◘◘◘
PULITIKO SI SEC. FRASCO NA NAGING TOURISM SEC., KAYA HINDI SIYA DAPAT UMEPAL SA MANDATO NG DOH—Kinontra ni DOH Officer-in-Charge (OIC) Usec. Ma. Rosario Vergeire ang inanunsyo ni Sec. Christina Garcia-Frasco ng Department of Tourism (DOT), na hindi na mandatory, kundi voluntary na lang ang pagsusuot ng face mask sa mga indoor areas, dahil aniya ay nananalasa pa rin ang COVID-19 sa Pilipinas kaya't hindi dapat gawing voluntary na lang ang pagsusuot ng face mask.
Sa totoo lang, hindi dapat umaastang spokesman o health secretary si Sec. Frasco kasi hindi naman siya doktor na naglilingkod sa DOH, isa siyang pulitiko na naitalagang head ng tourism department, kaya't hindi siya dapat umepal at pakialaman ang mandato ng DOH kasi sila lang ang puwedeng magsabi kung kailan dapat maging voluntary sa mamamayan ang pagsusuot ng face mask.





Comments