Illegal recruiter, tuloy ang raket kahit may pandemya
- BULGAR

- Sep 17, 2020
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | September 17, 2020
Habang todo-hanap ng health workers ang pamahalaan para may makatulong ang ating medical frontliners sa paglaban sa COVID-19 pandemic, hindi maitatangging marami pa ring mga nurse na gustong mangibang-bansa.
Kaya kahit alanganin dahil sa banta ng COVID-19, may ilang nagsisikap na makapag-abroad at doon maghanapbuhay.
Pero paano kung ang pinagkatiwalaang recruiter ay ilegal pala?
Kamakailan, buking sa entrapment operation ang modus ng isang suspek na nambibiktima ng mga nurse na nais makapagtrabaho abroad. Nag-ugat ang operasyon matapos humingi ng tulong ang isa sa mga nurse na nabiktima nito.
Ang siste, mangangako ang suspek sa mga nurse na tutulungang makapunta sa United Kingdom para magtrabaho kapalit ng P4,000 processing fee.
Kuwento ng biktima, Hulyo pa siya nagbayad at nakapagbigay ng mga requirements. Habang ang isa pang biktima ay nanghinayang sa oras at pagod na inilaan para makumpleto ang mga requirements, gayung puro orihinal na dokumento pa umano ang hiningi ng suspek.
Ayon sa pulisya, higit 30 na ang nabiktima ng suspek sa isang ospital pa lamang.
Nakadidismaya dahil wala talagang konsensiya ang mga ganitong klase ng tao.
Tipong hirap na hirap na nga ang frontliners sa bansa, bibiktimahin pa!
Sa mga kababayan nating nagbabalak mag-abroad, kung hiningan na kayo ng pera para sa processing fee kuno, ‘wag basta magtiwala.
Mas mabuting lumapit sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para malaman kung lehitimo ang recruiter.
Pakiusap natin sa mga kinauukulan, ‘wag palampasin ang isyung ito. Parusahan ang dapat parusahan para hindi pamarisan.
Matagal nang isyu ang illegal recruitment at panloloko sa mga kababayan nating nais makapag-abroad, kaya panahon na para patunayang may ngipin ang batas at seryoso tayo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments