Ilang turista na tuloy sa pamemeke ng RT-PCR test result, turuan ng leksiyon!
- BULGAR
- Jun 8, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | June 08, 2021
Matatandaang binuksan noong Hunyo 1 ang Boracay sa mga turistang galing sa NCR Plus o Metro Manila, Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal, na nasa ilalim ng “restricted” general community quarantine (GCQ).
Tulad ng dati, required pa ring magpakita ng negatibong RT-PCR test result para makapasok sa isla, ngunit sa halip na sumunod ang ilan nating kababayan, balik din sa dating gawain.
Kamakailan, pitong turista sa Boracay ang arestado matapos mabuking na gumagamit ng pekeng RT-PCR test result.
Base sa ulat, pumasok ang mga turista sa Boracay noong Biyernes kung saan apat sa mga ito ay galing sa Cavite at tig-isa naman ang galing sa Quezon City, Maynila at Bulacan.
Nang isailalim sa beripikasyon ang mga ipinrisintang RT-PCR test result, napag-alamang peke ang mga ito.
Dahil dito, dinala ang mga suspek sa quarantine facility sa Kalibo, Aklan para isailalim sa swab test at ayon sa mga awtoridad, kakasuhan ng paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at falsification of documents ang mga ito.
Kung tutuusin, hindi ito ang unang pagkakataon na may nameke ng RT-PCR test result sa isla, kaya nakadidismaya dahil sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala at babala, napakarami pa ring walang takot at patuloy sa paglabag. Alam natin ang panganib ng ganitong gawain, pero dedma pa rin ang ilan sa atin.
At kapag nakapagdala ng virus sa isla, ano’ng mangyayari? Tigil na naman ang negosyo at hanapbuhay ng ilan nating kababayan.
Niluwagan ang quarantine restrictions para unti-unting makabangon ang ating ekonomiya, pero kung ganito ang gagawin ng ating mga kababayan, baka hindi solusyon ang ating makuha kundi panibagong problema.
Tandaan na kapalit ng pagluwag ng quarantine restrictions at pagpayag na makabiyahe ay ang obligasyon na maging responsableng biyahero. Kung hindi afford magpa-swab test, manahimik na lang at ‘wag nang gumala dahil inilalagay n’yo lang sa panganib ang inyong sarili, gayundin ang iba pa nating kababayan.
Kung paulit-ulit lang na mangyayari ito, baka dapat nang bigatan pa ang parusa sa mga lumalabag para madala at hindi na tularan ng iba.
Ginagawa ang lahat ng ito para sa ekonomiya at hanapbuhay, kaya utang na loob, maging responsable at mabuti tayong mamamayan sa gitna ng pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments