Ilagan na-bullseye ang kampeonato sa SouthEast Asia Tour Soft Darts
- BULGAR

- 6 hours ago
- 1 min read
ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | August 17, 2026

Photo: Circulated
Nasapul ni Lourence Ilagan ang "bullseye" kontra kay lokal bet Tan Jenn Ming sa huling duwelo ng paligsahan upang tanghalin ang bituin ng Pilipinas bilang kampeon ng South East Asia (SEA) Tour Soft Darts Grandfinals sa Johor Bahru, Malaysia.
Segunda na lang sa 48-anyos na Pinoy ang naging papel sa bakbakan sa Paradigm Mall Convention Center ni Ming samantalang naghati naman sa pakonsuwelong pangatlong puwesto ang mga alas ng punong-abala na sina Terry Tan at Ignatius Tan.
Naging kontrabida si Ilagan sa planong all-Malaysian finale at sa halip ay nakuntento ang host sa isang 2-3-4 na pagtatapos. Dahil sa solidong tagumpay, bukod sa pangkampeonatong tropeo at sa SGD 2,000, napasakamay ng topseed na darter mula sa Pilipinas ang nag-iisang tiket upang makapukol sa prestihiyosong Super Darts 2027 sa Toyosu Pit ng Tokyo, Japan sa darating na Enero.
Nauna rito inilagay ni "The Gunner" Ilagan sa pedestal ang isa na namang tropeo matapos siyang magkampeon sa huling yugto ng SEA Tour noong Biyernes. Ang tagumpay ay nagbigay sa 2-time Asian Championships titlist ng kabuuang 244 puntos sa Tour bago nagsimula ang Grandfinals sa Johor Bahru.
Bago rin idinaos ang huling yugto (Stage 7) ng Tour, limang beses nang sumampa sa podium ang tanyag na anak ng Cainta habang nanguna naman sa Stage 4 at Stage 5 ang tubong Penang, Malaysia na si Tengku Shah.





Comments