Ikatlong pag-aasawa, nakatakda sa misis na 2 beses nang iniwan ng mister
- BULGAR
- Nov 21, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 21, 2021

KATANUNGAN
Dalawang beses na akong nag-asawa, ngunit dalawang beses na rin akong nabibigo at iniiwan ng mga lalaking napangasawa ko. Nang tingnan ko ang kaliwa at kanan kong palad at pag-aralan ang mga artikulo n’yo tungkol sa Marriage Line, nakita kong dalawa ang aking Marriage Line. Ibig sabihin ba nito, hindi na ako muling makapag-aasawa pa?
Mukhang imposible naman yata ‘yun dahil sa edad kong 35, masasabing maganda pa rin ako, may mga naniligaw pa rin sa akin at may pagka-sexy pa rin ako.
Sa palagay n’yo, may ikatlong pag-aasawa pa bang magaganap at sa pang-ilang pakikipagrelasyon ako habambuhay na liligaya?
KASAGUTAN
Sad to say, Dianne, maaaring hindi ka na lumigaya pa sa larangan ng pag-ibig o pakikipagrelasyon dahil sa zodiac sign mong Aquarius. Huwag na nating sabihing hindi ka liligaya dahil ang mas angkop na salita, ang mga pakikipagrelasyon mong mapapasukan, sa simula ay maligaya, ngunit habang nagtatagal, ito ay mapupuno ng mga pagsubok at problema. Ito ang kadalasang nagaganap sa buhay pag-ibig ng isang Aquarius. Kumbaga, maligaya sa simula, pero ‘pag nagtagal, sa paghihiwalay din humahantong ang relasyong ito.
Kaya para sa mga babaeng Aquarius, napakahalaga sa kanilang buhay ng salitang “contentment.” Hindi kasi sila nakukuntento sa buhay, kaya kadalasan, nagugulo ang kanilang landas sa larangan ng pag-ibig. Minsan naman, madali silang magsawa, kaya nagkakamali sila ng interpretasyon na hindi na nila mahal ang kanilang partner, pero ang totoo ay nagsawa lang sila sa kasalukuyang relasyon.
Ang mapagmalaking Aquarius, sa pag-aakalang kapag nakipaghiwalay siya sa kasalukuyang asawa ay matatagpuan nila ang kaligayahan sa susunod na pakikipagrelasyon, ay lalong nagugulo ng landas at lalong nagkakawindang-windang ang kapalaran. Dahil sa halip na matagpuan ang tunay na ligaya sa ikalawa o ikatlong pakikipagrelasyon, tulad ng una, pagkasawa lang ang napapala nila.
Samantala, may void, humbak o kulang kasi sa kaibuturan ng kanilang puso at ang kakulangang ito ay iniisip nilang mapupunan ng ibang tao sa pakikipagrelasyon sa kung kani-kaninong lalaki. Pero sa katotohanan, wala sa ibang tao o lalaki ang ikapupuno ng humbak nilang puso kundi nasa sarili nilang kalooban. Oo, sa tinatawag na “soul searching” o malalim na pagninilay-nilay at pagbubulay o pagmumuni-muni habang nag-iisa, mas tamang daan ito upang masumpungan nila ang tunay na ligaya.
Sa kabilang dako, tama ka, Dianne, dalawa ang Marriage Line (Drawing A.at B. 1-M, at 2-M arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, ngunit hindi ibig sabihin nito na porke nakadalawang asawa ka na ay wala nang darating na iba. Bagkus, mayroon pa, sapagkat hindi naman lahat ng “pag-aasawa” ay isinusulat sa Marriage Line (1-M, 2-M arrow a. at b.) dahil isinusulat din sa guhit ng palad ang tinatawag na Guhit ng Pakikipagrelasyon (Drawing A. at B. r-r arrow c.), na maaaring ito ay siya ring mapangasawa mo sa panahong uhaw na uhaw ka na sa pag-ibig at kalinga. At sa sandaling nag-mature o nahinog ang iyong personalidad, kusa mo nang masusumpungan ang maligayang pag-aasawa, hindi dahil natagpuan mo siya, bagkus ay dahil natutunan mo nang makibagay sa iyong kapwa, dahil matured na ang iyong pagkatao.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Dianne, posibleng ang unang asawa mo ay ang unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa iyong palad, habang ang ikalawa, kaya hindi nagtagal ay ang Fling na Relasyon o Guhit ng Pakikipagrelasyon (r-r arrow c.). Dahil sa pag-aanalisang ito, tiyak na may lalaki pang darating sa iyong buhay na makakasama mo sa isang maligayang relasyon, pero tulad ng naipaliwanag, mawawala at mawawasak din ang ugnayang ito kung hindi mo susubukang mag-soul searching.
Sapagkat sa paghahanap ng tunay na lundo ng iyong pagkatao at mga kakulangan, at sa panahong nag-mature ang iyong personalidad, makukuntento ka sa isang simple pero maligayang pakikipagrelasyon sa piling ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Gemini na nakatakdang mangyari sa susunod na 2022 sa edad mong 36 pataas.




Comments