Ihi at gatas ng ina ginawang eye drops na gamot sa sore eyes, delikado
- BULGAR
- Mar 28, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Marso 28, 2024
Nagbabala ang mga eksperto sa publiko laban sa paggamit ng mga home remedy, na ang ilan dito ay hindi hygienic para lamang isagawa o iresolba ang mga karaniwang kondisyon sa panahon ng tag-init. Ayon Dr. Ferdinand De Guzman, family medicine specialist, kabilang sa mga karaniwang sakit, lalo na sa huling bahagi ng dry season, ay conjunctivitis na mas kilala bilang sore eyes.
Sinabi ni De Guzman na ilan sa kanila ay umaabot na sa puntong hanggang sa paghuhugas ng kanilang mga mata gamit ang ihi o urine, o kaya ay gatas ng ina na nagpapasuso bilang pampatak ng mata o eye drops.
Aniya, mayroong paniniwala na ang ihi raw ay makakatulong sa pag-sterilize ng isang bagay. Sa totoo lang, dumi na ito ng katawan ng tao na lumalabas. Pero, mas marami umano ang ginagamit ay gatas ng ina, subalit hindi niya ito ipinapayo. Alam naman natin na mabuti ang mother’s milk, pero hindi ito maganda para sa conjunctivitis.
Iginiit naman ni De Guzman na kapag may sore eyes, dapat na kumonsulta sa center dahil may ibang mga kaso na hindi na kaya ng ordinary eye drops lamang.
Karaniwan din anang doktor ang mga pantal sa init o heat rashes sa panahon ng hot weather sa mga bata, na gumugugol ng mas mahabang oras sa labas at sa ilalim ng napakatinding init. Ang matagal na pagkakalantad sa init at araw ay nagiging sanhi ng pag-dry ng balat na maaaring humantong sa heat rashes at pangangati.
Gayunman, ang mga pantal sa init ay hindi nakakahawa at maaaring gamutin sa pamamagitan ng paggamit ng cool compress o calamine lotion.
At dahil inaasahang tataas pa ang mercury sa mga darating na buwan, hindi sapat na manatiling hydrated lamang. Ani De Guzman na bagama’t ang dalawa hanggang tatlong litro ng tubig ay mainam na inumin araw-araw, ang electrolyte at ion drinks na pag-inom nito in between ay kapaki-pakinabang din sa pag- replenish ng mga nawala sa ating katawan kapag pinagpawisan.
Mainam naman ang mga home remedy o gamutan sa bahay para sa simple sakit lamang gaya ng konting ubo o lagnat. Pero hindi ito nakakabuti sa ating kalusugan kung ang pinag-uusapan ay mga karamdaman na may kinalaman o dala ng summer season at iba pang sakit.
Delikado kasi ito at maaaring magkaroon ng kumplikasyon sa halip na magamot ang ating sakit. Mas mabuti pa rin ang magpakonsulta sa doktor at sumunod sa mga health expert.
Paalala sa mga kababayan, sakaling may nararamdaman ay magtanong muna sa mga may kaalaman sa medisina. Huwag basta mag-self treatment dahil baka imbes na gumaling tayo sa ating sakit ay mas lumala pa ito at madulot ng masamang epekto sa ating katawan.
Maging maingat tayo sa iniinom na mga gamot at isipin munang mabuti ang mga gagawin para hindi magsisi sa huli.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments