top of page
Search
BULGAR

Idinaan sa IG… MAINE, SINAGOT NA ANG KUMALAT NA HIWALAY NA SILA NI ARJO

ni Janiz Navida @Showbiz Special | July 26, 2024



Showbiz News

Curious ang maraming Marites kung totoo nga bang hiwalay na sina Maine Mendoza at QC 1st District Congressman Arjo Atayde.


May kumalat kasing chika sa showbiz lately na hiwalay na raw ang mag-asawa gayung ni hindi pa nga sila nakakapag-celebrate ng kanilang first wedding anniversary at sa July 28 pa lang sila mag-iisang taong kasal.


Kaya ayun, napasugod talaga ang mga Marites na ayaw mahuli sa tsismis sa Instagram ni Maine at aminado silang biglang tsinek ang IG ng Eat… Bulaga! host para malaman nga ang totoo.


Natuwa naman sila nang makitang nag-post si Maine ng iba't ibang anggulo ng pre-wedding shoot nila ni Arjo kung saan makikitang super in love sila sa isa't isa at masayang-masaya.


Hindi na nga naman kailangang sabihin pa ni Maine na fake news lang 'yung kumakalat na hiwalay na sila ng mister, dahil kung kilala nga ng mga sumusubaybay sa TV host ang ugali nito, ayaw na ayaw nitong nagpe-pretend o nagsisinungaling. 


Kaya, "What you see is what you get" talaga ang peg ni Menggay.


Samantala, nang makita naman namin si Ms. Sylvia Sanchez sa nakaraang MMFF 2024 launch sa Manila City Hall last July 16, nagpaalam pa lang kami rito kung puwede namin siyang ma-interview, agad na siyang nagbitaw ng linyang, "'Wag n'yo na akong interbyuhin, wala kayong makukuha tungkol sa mga anak ko."


Kaya nu'ng may kumalat na ngang chika na hiwalay na raw sina Maine at Arjo, napaisip tuloy kami kung tungkol ba sa chismis na ito kaya nag-dialogue nang ganu'n si Ms. Ibyang?


Or puwede rin namang patungkol kina Ria Atayde at Zanjoe Marudo ang tinutukoy niya since gusto nga ring malaman ng lahat kung bakit hindi agad inamin sa publiko ng mag-asawa ang pagkakaroon nila ng anak at kung kelan malaki na ang tiyan ni Ria ay saka sila lumantad in public.


Whatever!!! Basta masaya ngayon si Sylvia sa kanyang latest IG post at binati ang anak na si Cong. Arjo na pang-anim sa Top Performing Representatives, kung saan kasama rin ang mister ng dating co-host ni Willie Revillame sa Wil Time Bigtime na si Shalani Soledad na si Cong. Roman Romulo (No. 5).


So, may double celebration pala ang Atayde Family sa July 28, 'no? 

At kung totoo ngang buntis na rin si Maine, aba't baka triple celebration pa!

Sana nga.


 

Sinorpresa ni Matteo…

PARENTS NI SARAH, OUT PA RIN SA B-DAY CELEBRATION


Matteo Guidicelli at si Sarah Geronimo

SINORPRESA ni Matteo Guidicelli ang misis na si Sarah Geronimo para sa kanyang birthday kahapon (July 25).


Nakita namin ang video na may dalang cake si Matteo habang flowers naman ang dala ng kasunod nitong si Kyle Echarri para kay Sarah. 


Nandu'n din sa dinner party ang minsan na ring naging leading man ni Sarah na si Piolo Pascual.


Ang simple-simple talaga ni Sarah na nag-dialogue pang apat na taon na lang daw, kuwarenta na siya, hahaha!


So, 36 na pala si Sarah. Kaya pala ang dami nang naiinip at nagtatanong kung kelan na ba nila makikita ang baby nina Sarah at Matteo.


Naunahan na nga si Sarah ng kanyang BFF na si Maja Salvador na mommy na ngayon sa first-born nila ni Rambo Nuñez.


Meanwhile, hinanap namin sa video kung kasama ba ang parents ni Sarah sa birthday surprise sa kanya ng mister pero wala pa rin kaming nakita.


Or, baka naman may separate celebration sila para kay Sarah, sana naman, 'di ba? 

Sana naman daw, oh! Pakialamerang Popster lang?! Nyahaha!


 

TINUTUKAN ng public service program na CIA with BA ang isang kaso na kinasasangkutan ng dalawang nanay na nagkaroon ng hidwaan dahil sa alitan ng kanilang mga anak.

Sa segment na Case 2 Face last July 21, nagreklamo si Amy tungkol kay Joy, na itinuturing niyang matalik na kaibigan. Ayon kay Amy, pinalala ni Joy ang kanilang hidwaan na nag-ugat sa insidente ng mga bata.


Simula noon, tumigil na silang mag-usap at nagsimulang magparinigan. Nagkaroon din ng bagong kaibigan si Joy, na inamin ni Amy na nagdulot sa kanya ng selos.

“Maraming malalalim na isyu na puwedeng maging kaso, tapos ang pinanggagalingan talaga ay ‘yung personal na relasyon,” sabi ni Senator Pia Cayetano habang pinag-iisipan ang kaso.


Sa gitna ng pag-uusap, agad silang humingi ng tawad sa isa’t isa na siya namang layunin talaga ni Amy sa paglapit sa programa.


“'Yun ang lesson na gusto kong matandaan natin, na i-value natin ang ating mga relasyon dahil kapag hindi, minsan, ang nagiging resulta ay lalo pang nagiging magulo ang ating buhay. Laging ipakita ang respeto at pagmamahal sa mga taong malapit sa atin,” sabi ni Sen. Pia.


Ibinahagi naman ni Senator Alan Peter Cayetano ang kanyang natutunan, “'Yun palang selos, ‘yun palang inggit, ‘yun palang feeling mo na hindi ka pinapansin, ‘yung longing — wala palang edad ‘yan.”


At least, naging tulay ang programa kung saan kasama rin si Boy Abunda para mapag-ayos ang dalawa. Nangako rin ang CIA with BA na tutulungan ang dalawang nanay na magtayo ng kanilang sariling negosyo o kahit magkasamang negosyo.

Ang CIA with BA ay ipinapalabas tuwing Linggo, 11 PM sa GMA-7 na may mga replay sa GTV tuwing Sabado ng susunod na linggo, alas-10:30 ng gabi.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page