Ibinulgar ng “Brave 18”... Male-maletang pera, idineliber kay Chiz
- BULGAR

- Jun 17
- 1 min read
ni Jeff Tumbado @News | June 17, 2026

Photo: Chiz Escudero - FB
Dalawang umano’y mga bagman na kabilang sa dating security aide ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ang nagsabing naghatid sila ng male-maletang pera kay dating Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Ito ang ibinunyag sa isang press conference nitong Martes, kung saan kabilang umano sila sa mga nagdala ng maleta na may iba’t ibang laki sa bahay ni Escudero.
Isa pa sa kanila ang nagkuwento na nakapasok sila sa bahay ng senador at nakakain pa umano ng hipon kasama ang kasambahay nito.
Ang naturang pahayag ay bahagi ng mga bagong alegasyon na inilantad ng tinaguriang “Brave 18” na mga dating sundalo at bodyguard ni Co, kasama ang apat pang indibidwal.
Pinangunahan ang press conference ni dating Cong. Mike Defensor, na siya namang nahaharap sa hiwalay na alegasyon na umano’y nag-alok ng tig-P5 milyon kapalit ng testimonya ng 18 dating Marines laban sa ilang opisyal ng gobyerno.
Ayon naman kay Atty. Levito Baligod, abogado ng grupo, naninindigan ang kanyang mga kliyente sa kanilang pahayag na may mga maletang dinala umano sa mga tahanan nina Senador Escudero at Senador Mark Villar.
Samantala, patuloy na iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang mga alegasyon ng mga ito.





Comments