top of page
WINNER - SEN. ROBIN, IPINAGDIINANG DDS SI JOSHUA-FB Robin Padilla.jpg

Ibang paraan para yumaman kahit masyonda na

  • BULGAR
  • Sep 17, 2022
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 17, 2022


Dear Maestro,


Nagtataka ako dahil nagtataglay naman ako ng strong number, gayung ako ay isinilang sa petsang otso (8), pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako umuunlad at sobrang hirap pa rin ng aming buhay?


Ano ang paraan para maganap ang sinasabi n’yong yumayaman ang mga Taong Otso? Palagi ko kasing iniisip na mukhang magwawakas ang buhay ko nang mahirap pa sa daga dahil sa edad kong 54, wala pa rin akong pag-asenso.


Ano ang dapat kong gawin para umasenso at umunlad kahit bahagya ang buhay ko? January 8, 1968 ang birthday ko.


Umaasa,

Arthur ng Tungkong Mangga, SJDM, Bulacan


Dear Arthur,


Alam mo kung bakit hindi ka umunlad? Sigurado na hindi ka nagkaroon ng career o trabaho na may kaugnayan sa agricultural products. ‘Yun kasi ang dapat na maging hanapbuhay ng mga Taong Otso na tulad mo. Halimbawa, kung ikaw ay may plantasyon ng niyog sa inyong probinsya, ‘yun dapat ang tinutukan mo o kung hindi man, kung ikaw ay may pag-aari na bundok o sakahan, sa halip na makipagsiksikan ka sa siyudad na puno ng usok at nakawan— na hindi naman angkop sa iyong hanapbuhay— hindi ka nga uunlad at yayaman.


Kaya paulit-ulit at nililinaw nating mabuti, para suwertehin ang isang tao, kailangang matagpuan niya ang gawain o hanapbuhay na kikiliti sa unconscious niyang motibasyon o magbibigay ng kakaibang sigla at saya sa inner self niya. Sa ganitong paraan, habang siya ay naghahanapbuhay, tulad ng naipaliwanag na, sinasadya man o hindi, nasa tamang landas na siya patungo sa pag-unlad at pagyaman.


Kapag ang naging trabaho mo ay may kaugnayan sa butil ng palay, raw materials na galing sa mga halaman, pagkokopra, langis o mantika, produktong gulay, lamang ugat, kalakal na prutas o bungang kahoy, sa negosyong may kaugnayan sa mga katas o pinagdikdikan ng mga halaman tulad ng alak, asukal, suka, rubber, dagta, varnish at kung ano pang kauring kalakal o negosyo na nabanggit at hindi ka umalis du’n hanggang ikaw ay tumanda, napipiho kong mayaman ka na sana ngayon.


Kaya ang tanong, ano bang kalakal, negosyo o hanapbuhay ang pinagkakaabalahan mo ngayon? Kung malayo sa mga nabanggit ang gawain mo ngayon, hindi pa naman siguro huli ang lahat kung may lakas at sigla ka pang nalalabi upang balikan ang isang pangyayari sa iyong buhay na dapat ay tinutukan mo. Sa pamamagitan ng mga kalakal na nabanggit, tiyak ang magaganap, kahit kaunting taon o panahon na lang ang ilalagi mo sa mundong ito, may pag-asa ka pang umunlad at maging maligaya habang tinatalunton mo ang landas ng pagdadapit-hapon at ganap na katandaan.


Samantala, kung hindi ka na makakabalik o makakapunta sa mga naturang gawain, may pag-asa pa ring makaahon ka sa hirap sa pamamagitan naman ng anak mong ikalawa o panglima, na may birth date na 5, 14, 23, 7, 16 at 25.


Kung may ganyan kang anak, anuman ang kanyang zodiac sign at talagang hindi ka na makabalik pa sa hanapbuhay na nire-require sa iyo ng tadhana para ikaw ay umunlad at maging maligaya, ‘yun ang tanging pag-asa – ang pag-unlad at pagyaman ng nasabing anak ang magiging short-cut upang sa kabila ng sakbibi ka pa rin ng hirap ngayon ay unti-unti ka niyang maiaahon upang bago magtapos ng buhay mong ito sa mundo, ay makatikim ka ng kaunting kaginhawaan.


Nakatakda itong mangyari sa taong 2027 at sa edad mong 59 pataas, kung saan sa nabanggit na panahon, maunlad at mayamang-mayaman ka na.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page