Iba’t ibang teknik para suwertehin ang taong otso
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 28, 2021
Dear Maestro,
Hirap na hirap kami sa buhay ngayon at hindi ko alam kung paano kami makakaahon sa kahirapan. Isinilang ako noong November 8, 1981 at ang sabi n’yo, yumayaman ang mga Taong Otso, pero bakit ako, kumbaga sa gulong ng kapalaran, palagi na lang nasa ilalim?
Maestro, may pag-asa pa bang magbago ang aming buhay? Sana ay mapayuhan n’yo ako at kahit ano ang sabihin n’yo ay gagawin ko, maiahon ko lang sa kahirapan ang aming pamilya.
Umaasa,
Ofra ng Minuyan II, SJDM, Bulacan
Dear Ofra,
Ang kailangan talaga para sa mga Taong Otso (8), hindi lamang para yumaman kundi para makamit ang matagumpay at maligayang pamumuhay ay maging “chubby” o bilugan ang kanilang pangangatawan.
Kaya kapag nakakita ka ng isang Taong Otso na medyo payat, kahit sabihin pang siya ay yumaman, medyo may lungkot at humbak pa rin sa kanyang buhay. Samantalang, ‘yung iba, magugulat pa sila sa kanilang pangangatawan dahil kasabay ng unti-unting pagyaman, unti-unti ring tumataba o nadaragdagan ang kanilang timbang.
Ewan ko kung bakit ganu’n, pero ‘yun ang hiwaga ng numerong otso. Kusa silang nagiging bilugan, habang unti-unti silang yumayaman, nagtatagumpay at nagiging maligaya sa buhay.
Kaya kung medyo payat ka pa sa kasalukuyan, Ofra, simple lang ang unang hakbang upang lumigaya, magtagumpay at makamit mo ang pagyaman, medyo magdagdag ka ng timbang o sabihin na nating kailangang maging eksakto ang timbang mo sa iyong edad at height.
Pangalawa, ang mga Taong Otso, ang pagnenegosyo na may kaugnayan sa grocery, butil tulad ng palay at bigas, mga kalakal na nahuhukay sa lupa tulad ng refined oil o gasoline at diesel na ginagamit sa mga sasakyan, puwede rin ang LPG, mga kalakal mula sa kinatas na halaman tulad ng suka, cooking oil, alcohol, alak, rubber at puwede rin ang mga produktong herbal at iba pang food supplements. Dagdag pa rito, yumayaman at umuunlad din ang mga Taong Otso sa negosyong apartment o may kaugnayan sa matitigas na bagay at materyales sa konstruksiyon ng bahay.
Pangatlo, gamitin ang iyong lagda. Lagda na dalawang initial lang at idugtong agad nang simple ang apilido. Mas malaki ang dalawang initial at apilido, mas malaki ang kumpiyansa at tagumpay na matatanggap. Kaya kung saksakan ng liit ng pirma ng isang Taong Otso, tulad ng nasabi na, matatagalan pa bago siya lumigaya at yumaman. Ang nakapagtataka, habang umuunlad at nagiging maligaya ang isang Taong Otso, hindi naman niya napapansing lumalaki ang kanyang lagda. Indikasyon ito na patungo na siya sa tagumpay at mga pagpapala ng buhay.
Kapag nasunod mo ang mabisang teknik na binanggit at palagi ka pang nagsusuot o gumagamit ng kulay green na checkered na damit at may mga anak, kaibigan o kasama ka sa negosyo o kahit na sa iyong bahay na isinilang sa mga petsang 5, 14, 23, 7, 16 at 25, sigurado na ang isang dating Taong Otso na sakbibi ng lumbay at mga paghihirap ay unti-unti nang magiging maginhawa, liligaya at yayaman.
Sa kaso mo, Ofra, tulad ng naipaliwanag na, sundin mo lang ang mga rekomendasyong binanggit at ayon sa Decadens ng Kapalaran, magkakaroon ng mala-dramatikong pangyayari sa iyong buhay sa taong 2024, unti-unting kikilos at aangat ang gulong ng kapalaran upang kung sa kasalukuyan ay nasa ilalim ka, sa nasabing panahon ng iyong buhay, sa edad mong 43 pataas, ikaw naman ang nasa ibabaw ng gulong ng kapalaran.




Comments