Iba’t ibang negosyo na magpapayaman sa mag-asawang Virgo-Taurus
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 28, 2022
Dear Maestro,
Nasa abroad ngayon ang mister ko at balak niya nang umuwi for good sa susunod na taon. Balak naming magnegosyo, kaya gusto kong malaman kung ano ang maganda at suwerteng negosyo para sa aming mag-asawa?
Gayundin, may pag-asa pa ba kaming yumaman at kung mayroon, kailan ito magaganap? August 25, 1986 ang birthday ko, habang May 2, 1978 naman ang mister ko.
Umaasa,
Mrs. Virgo ng Santa Maria, Licab, Nueva Ecija
Dear Mrs. Virgo,
Dahil ikaw ay tipikal na Virgo, ikaw ay palaging may trabaho o ginagawa, hindi kasi puwede sa tulad mong Virgo ang nakatunganga lamang maghapon. Siguradong gagana ang isip mo para may gawin at kung sakaling walang trabaho ang isang Virgo, ganito ang madalas sumilid sa kanyang isipan— “Makapagtrabaho na para magkapera!”
Sa puntong ito, magsisimulang gumana nang gumana ang isip niya sa lahat ng plano at diskarte kung paano magkakatrabaho hanggang sa kaiisip ay matatagpuan niya ang tamang paraan upang magkaroon ng trabaho.
Ganundin sa negosyo, isip siya nang isip ng pagkakakitaan o negosyo, kaya sa huli, kung titigil siya sa kaiisip, kaya niya namang magsimula ng simpleng negosyo, pero hindi rin siya mapipirmi sa iisang tumbok na negosyo. Kaya ang mangyayari, paiba-iba siya ng negosyo.
Dapat sa mga Virgo ay magkaroon ng kapareha na Capricorn o Taurus na magtuturo sa kanya na tumutok sa isang kalakal o gawain. Sa ganitong paraan, magtatagumpay at yayaman ang Virgo.
Dagdag pa rito, ang pinakamapalad na Virgo ay ‘yung natagpuan ang kanyang hanapbuhay o source of income sa mga gawaing gumagana ang isipan at walang tigil sa pag-andar ang kanyang isip at mentalidad. Du’n magtatagumpay at magiging maligaya ang isang Virgo. Ang katulad na trabaho na walang tigil ang pag-andar ang isip na bagay na bagay sa mga Virgo ay philosopher, writer, political adviser na nag-iisip ng mga strategy, puwede rin siyang heneral ng giyera at iisipin niya maghapon kung paano matatalo ang kalaban at iba pang bagay na nag-iisip at palaging nag-aanalisa.
Mapalad din ang Virgo sa mga produktong may kaugnayan sa komunikasyon, modernong teknolohiya, publication, mass media, transportasyon at iba pang kauri nito.
Bukod sa nasabing mga negosyo, mapalad sila sa batong sapphire na ipapalamuti sa silver na singsing. Ang alahas na ito ay magsisilbing pantaboy ng kamalasan at panghigop ng suwerte at magandang kapalaran.
Kusa namang iigting ang mabuting kapalaran mula sa ika-19 ng Disyembre hanggang ika-25 ng Enero, mula sa ika-19 ng Abril hanggang ika-25 ng Hunyo at mula sa ika-19 ng Agosto hanggang sa ika-28 ng Oktubre.
Habang, ganito naman ang kapalaran sa negosyo ng mister mo na isinilang noong May 2, 1978, kung saan ang zodiac sign niyang Taurus ay nagsasabing, sa negosyo, mapalad ang Taurus sa mga kalakal na may kaugnayan sa pagkain. Ito ay dahil masarap silang magluto gaya ng mga Libra. Bukod sa pagkain, okey din sa mga Taurus ang negosyong may kaugnayan sa pabango, body accessories, lalo na ‘yung mga gamit sa katawan na pampaganda, pampaputi at pampakinis ng balat. Ang mga negosyong may kaugnayan sa entertainment o ‘yung nililibang ang mga tao o mga nanood ay puwede ring subukan ng mga Taurus.
Mapalad din sila sa tindahan, lalo na sa grocery at produktong butil kung sila mismo ang magtitinda habang makikipagtsikahan sa mga kostumer ay siguradong du’n sila uunlad at magiging maligaya.
Ang paghahalaman, lalo na ang pagtatanim ng ornamental plants ay maaari rin nilang isaalang-alang bilang negosyo at libangan. Sa propesyunal na aspeto, bagay din sa kanila ang kursong accounting, stockbroker, economist, appraiser at lahat ng larangang nagbibilang at nagkokompyut ng malaking halaga ng salapi.
Samantala, sa larangan pa rin ng negosyo, dahil ang mga Taurus ay likas na mabait at hindi masyadong nag-iisip, kadalasan ay inuutangan sila ng kanilang kapwa ng malaking halaga at pagkatapos ay hindi na sila nababayaran. Kung hindi mag-iingat, puwede ring mapunta sa scam ang iniingat-ingatan nilang salapi, kung saan sa sandaling maloko ay magiging dahilan ng labis nilang kalungkutan. Kaya ang tamang payo sa mga Taurus ay tandaan na minsan ay masama ang maging sobrang mabait, lalo na sa mga manloloko at mangungutang.
Mapalad ang mga Taurus sa kulay na pula dahil sa planetang Venus, na siyang ruling planet ng mga Taurus. Dagdag pa rito, suwerte rin sila sa batong emerald o kahit ano’ng uri ng bato na pula na ipapalamuti sa silver na singsing.
Kusa namang iigting ang mabuting kapalaran mula sa ika-19 ng Oktubre hanggang ika-28 ng Enero, mula sa ika-19 ng Abril hanggang ika-28 ng Mayo at mula sa ika-19 ng Agosto hanggang ika-28 ng Setyembre.
Sa sandaling sinunod n’yong mag-asawa ang mga simpleng rekomendasyon sa itaas, tiyak ang magaganap — anumang negosyo ang inyong simulan sa 2023 o 2024, lilipas ang lima o anim na taon, sa taong 2030 at sa edad mong 44 pataas, habang 54 naman si mister, magsisimulang umunlad nang umunlad ang inyong kabuhayan hanggang sa tuloy-tuloy na kayong yumaman.




Comments