Iba’t ibang kahulugan ng nakahiga ang dyowa at tunog ng kampana
- BULGAR
- Aug 1, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 01, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lauro ng Cebu.
Dear Maestra,
Magandang araw sa inyong lahat, nawa’y sapitin kayo ng bati ko na wala nang baha at iba pang negative forces sa kapaligiran. Single pa ako pero may balak na akong pakasalan dahil gusto ko nang lumagay sa tahimik. Sawa na ako sa pagiging single at gusto ko nang magkapamilya. Gusto ko ring ipaanalisa sa inyo ang mga panaginip ko.
Una, napanaginipan ko ‘yung sweetheart ko na nakahiga sa aking kama. Nagulat ako dahil nakapasok siya sa kuwarto ko at humiga. Tapos napanaginipan ko naman noong isang gabi na may narinig akong tunog ng bells. Malakas ‘yung tunog kaya dinig na dinig ko. Anu-ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko?
Naghihintay,
Lauro
Sa iyo, Lauro,
Ang ibig sabihin ng panaginip na nakita mo ang iyong sweetheart na nakahiga sa kama mo ay depende kung masaya ba, nakangiti ba siya o malungkot at parang may sakit. Kung siya ay masaya at nakangiti sa panaginip mo, ibig sabihin ay tapat siya sa iyo at mahal na mahal ka niya. Pero kung malungkot at parang maysakit siya, ito ay nangangahulugan na kunwari lamang ang pag-ibig niya sa iyo, kumbaga, hindi ka niya totoong mahal o may iba siyang mahal.
Samantala, ang bells na narinig mo ay depende rin kung anong klase ang tunog ng mga ito. Kung masaya ang tunog, ibig sabihin, mapo-promote ka sa trabaho at kung may business ka, suswertehin ang iyong negosyo, kumbaga, magpo-prosper at lalago ang business mo at magiging simula ito ng iyong pagyaman. Kung ang tunog naman ng bell ay parang nagbibigay-babala na may hindi magandang nagaganap sa paligid, ito ay nagpapahiwatig na mag-isip ka munang mabuti bago mo pagpasyahan ang mga gusto mong gawin. Huwag kang padalos-dalos o atat na pasukin ang mga bagay na inilalapit sa iyo dahil may posibilidad na maloko ka. Mag-ingat ka sa pagpapasya. Gamitin mo ang pakiramdam, talino at talas ng isipan upang hindi malinlang.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments