top of page

Iba’t ibang kahulugan ng hitsura ng yumaong mister

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 13, 2023
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 13, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rosy ng Nueva Ecija.


Dear Maestra,


11 years na patay ang husband ko at napanaginipan ko siya.


Napanaginipan ko na pinuntahan niya ako rito sa bahay. May kasama siyang dalawa pang lalaki na sa tingin ko ay kaibigan niya. Nakaputi silang lahat, at sumakay kami sa jeep patungo sa probinsya nila. Nagpapatayo umano ng bahay ang asawa ko at gusto niyang ipakita ito sa akin.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Rosy


Sa iyo, Rosy,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na kahit 11 years nang patay ang asawa mo, pinuntahan ka niya sa bahay. Ito ay depende kung ano’ng hitsura ng mukha niya. Kung masaya siya, ibig sabihin ay payapa at panatag na ang kaluluwa niya sa kabilang buhay.


Ngunit, kung malungkot ang mukha niya, ito ay tanda na nangangailangan siya ng dasal nang sa gayun makarating siya sa kataas-taasan, humihingi siya ng tulong sa iyo para ipagdasal ang kanyang kaluluwa upang hindi siya maging kaluluwang ligaw na pagala-gala rito sa mundong ating ginagalawan.


Ang may kasama siyang dalawang lalaki na sa iyong palagay ay kaibigan niya, kinakailangan din nila ang tulong mo. Makakatulong ang dasal natin upang marating nila ang tahanan ng Diyos sa kabilang buhay.


Samantala, ang sumakay kayo sa jeep ay nagpapahiwatig na maglalakbay ka sa malayong lugar. Hindi magiging maganda ang paglalakbay mo, at makakaranas ka ng mga sagabal.


Ang nagpapatayo ng bahay ang asawa mo, ito ay tanda na gusto niyang ipakita sa iyo ang kaunlaran at kasaganaan. Ang kulay puti ang suot ng asawa mong yumao gayundin ang mga kaibigan niya ay nangangahulugang nagpapaalala sila na kailangan mo ring magpahinga lalo na’t kung napapagod ka na sa rami ng mga gawain na ginagawa mo.


Ingatan mo ang iyong kalusugan upang hindi ka magkasakit nang malubha.


Ang bilang na dalawa ay patungkol naman sa pagdedesisyon mo. Huwag ka magpabagu-bago ng isip. Kung ano ang nauna mong desisyon, ‘yun na dapat ang una mong ipatupad, huwag mo nang baguhin pa ito.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page