IATF Res 56: bawal pa rin ang audience sa GCQ at MGCQ
- BULGAR

- Jul 21, 2020
- 1 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | July 21, 2020

May pagbabago sa mga patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF) na may kinalaman sa palakasan o sports sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quaratine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ). Ito ang buod ng IATF Resolution 56 na ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque sa kanyang regular na pulong balitaan kahapon.
Sa mga lugar na sakop ng GCQ, maaaring ganapin ang mga outdoor non-contact sports tulad ng pagtakbo o paglakad, bisikleta, Golf, Swimming, Tennis, Badminton, Equestrian, Shooting at Skateboarding. Mahalaga pa rin na magsuot ng maskara, social distancing at walang hiraman ng gamit.
Puwede ang parehong indoor at outdoor non-contact sports sa mga lugar ng mas maluwag na MGCQ at kailangan pa rin mag-maskara at iba pang nabanggit. Sa GCQ at MGCQ, parehong ipinagbabawal na manood ang publiko.
Sa mga lugar na gaganapan nito, ang mga pangunahing mga serbisyo at mga kasama nitong restaurant ang papayagan. Limitado ito hanggang 30 porsyento ang takdang kapasidad.
Dahil dito, kailangan maghintay pa ang mga Pinoy bago nila malaro ang mga paborito nila tulad ng Basketball at Volleyball. Sa ngayon, tanging mga propesyonal na atleta ng Philippine Basketball Association, Pilipinas 3X3 at Philippines Football League ang may pahintulot ng IATF at Games and Amusements Board na bumalik sa ensayo.
Bawal din ang Sabong at ang pagbukas ng mga sabungan sa mga lugar na MGCQ. Hindi pa rin pwede ang mga gym at iba pang mga lugar aliwan subalit nasa pasya ng Department of Trade and Industry kung tuluyang papayagan ang mga ito.





Comments