top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Huwag umasang magkakaroon pa ng Bgy. at SK elections

BULGAR
Jul 18, 2022
2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 18, 2022


HUWAG UMASANG MAYROONG BGY. AT SK ELECTIONS—Noong May 19, 2022, sinabi ng pinsan ni Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na si Leyte 1st Dist. Rep. Martin Romualdez na nais nilang i-postpone ulit ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections para makatipid ng P8 bilyon ang pamahalaan, sinegundahan ito ni Leyte 4th Dist. Rep. Richard Gomez noong July 6, na aniya, mas mainam gamitin na lang ni PBBM ang pondong panghalalang-pambarangay sa mga programa nito sa agrikultura at kamakalawa ay nagsulong si Sen. Chiz Escudero sa Senado ng panukalang batas na ipagpaliban ang halalang pambarangay na nakatakda sana ngayong Dec. 5, 2022 at idaos na lang ito sa May 2024.


Si Romualdez ang siyang magiging House Speaker, si Goma ay miyembro ng majority sa Kongreso at si Escudero naman ay miyembro ng majority sa Senado at dahil lahat sila ay pabor na ikansela ang barangay at SK elections, huwag umasa ang mga nagnanais kumandidatong kapitan, kagawad at sa SK na may halalang pambarangay sa Dec. 5, 2022.


◘◘◘


YOUTH OFFICIALS SA 'PINAS, GURANG NA—Kung sakaling aprubahan ni PBBM ang pagpapaliban ng halalang pambarangay sa Dec. 5, 2022 at itakda ito sa May 2024 ay huwag na rin umasa ang mga taga-barangay na may magaganap na barangay at SK elections sa May 2024.


Mas malamang kasi ay ipakansela na naman 'yan nina Romualdez, Goma at Escudero, manghihinayang na naman sila sa gagastusin sa halalang pambarangay.


At kapag nakansela ulit sa May 2024 ang halalang pambarangay, onli in da 'Pinas lang meron na ang mga youth officials (SK), ay mga gurang na!


◘◘◘


KABALBALAN SA "BUILD, BUILD, BUILD" NI EX-P-DUTERTE, IBINULGAR NG COA—Ngayon wala na sa poder si ex-P-Duterte ay isinapubliko na ng Commission on Audit (COA) ang mga kabalbalang naganap sa ibinibidang "Build, Build, Build" ng nakaraang Duterte administration.


Una sa ibinulgar ng COA ay hindi natapos gawin ng Department of Public Works and Highways ang 3,440 infrastructures projects na ginastusan ng pamahalaang Duterte ng mahigit P245-B; hindi rin nasimulan gawin ang 437 projects na ginastusan ng higit P10.9-B at sa mga proyekto naman na natapos na ginastusan ng higit P11.5-B ay kulang-kulang ang mga dokumentong isinumite sa COA.


Ang ibinulgar ng COA ay pagpapatunay na pang-uungoy lang ni ex-P-Duterte ang bukambibig na hate niya ang korupsyon.


◘◘◘


IBINAON SA UTANG ANG 'PINAS, TAPOS ANG DAMI PALANG PROYEKTONG HINDI PINONDOHAN—Ibinulgar din ni Usec. Cesar Chavez ng Dept. of Transportation (DOTr) na ang mga railways projects ng nakaraang Duterte gov't., tulad ng Calamba to Bicol; Clark to Subic at Tagum to Digos ay hindi naumpisahan dahil hindi nalagyan ng pondo ang mga proyektong ito.


Mantakin n'yo, ibinaon nang husto ni ex-P-Duterte sa utang ang Pilipinas, tapos ang mga importanteng proyekto ay hindi pala pinondohan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page