Huwag masyadong pakampante, nasa paligid pa rin ang COVID-19, period!
- BULGAR

- Jan 23, 2021
- 1 min read
@Editorial | January 23, 2021
Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force ang hirit na babaan pa ang edad ng mga bata na makalabas ng bahay.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, puwede nang makapamasyal ang mga bata na edad sampu na nasa lugar ng modified general community quarantine simula sa unang araw ng Pebrero. Inuulit natin, mga bata na hindi bababa sa 10-anyos at naninirahan sa nasa MGCQ lamang.
Kaugnay nito, hinikayat din ang mga local government units (LGUs) na payagan na ring makalabas ang mga menor-de-edad.
Matatandaang pinagbawalan ng pamahalaan ang mga bata at matatanda na makalabas ng kani-kanilang bahay upang makaiwas sa COVID-19.
Siguro, sa mga lugar na halos wala nang naitatalang kaso ng virus infection ay uubra ito pero, kung tayo ay nasa lungsod o barangay na patuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases at nagkalat ang mga pasaway, eh, sa halip na luwagan ang quarantine protocol ay higpitan muna.
Araw-araw ay hindi na bumaba sa 1, 000 ang naitatalang nagpositibo sa COVID-19, kahapon, nakapagtala ang Department of Health ng 2, 178 na bagong kaso ng virus infection habang 20 naman ang dagdag sa nasawi.
Hangga’t wala pang bakuna kontra COVID-19, huwag munang magpakampante at kahit dumating man ito, hindi tayo dapat mag-relax, sa halip ay dapat pa tayong maging mas maingat hanggang sa tuluyan na nating makontrol ang sitwasyon.



Comments