Huwag magpabulag sa salapi ngayong halalan
- BULGAR
- Mar 12, 2022
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 12, 2022
Premium gas: P67/liter; unleaded: P66/liter; diesel: P62/liter. Abangan ang pagtaas pa ng presyo ng gasolina’t krudo sa susunod na linggo.
Maghanda na po tayo sa pagtaas ng presyo ng petrolyo sa P100 kada litro.
Ano ang tugon ng pamahalaan? Fuel subsidy. Eh, paano na ang mga maliit at kulang ang suweldo o ang walang trabaho? Napakarami na ng mga ganitong mga kababayan natin noon pang nagsimula ang pandemya, Marso 2020. Hirap at baon na baon na sa utang ang marami sa nagdaang dalawang taon ng kahirapan at kawalan.
Kasabay pa ng krisis sa Ukraine ay ang nalalapit na halalan sa Mayo 2022. Tumitindi na ang kampanya ng mga kandidato at ng kani-kanilang mga partido. Ganundin ang mga partylist.
Ngunit sa isang banda, lalabas ang pera ng mga kandidato at partido para tustusan ang malawakang pambansang kampanya.
Sige lang, ikalat ang salapi para sa mga nagugutom at nangangailangan. Sana lang ay hindi tuluyang lumabo ang paningin at pananaw ng marami para piliin pa rin sa hulihan ang tama, malinis, mabuti at mahusay na mga kandidato na mag-aahon sa atin hindi lang sa kahirapan kundi mula sa putikan ng katiwalian at imoralidad.
Ngunit mapanganib ang paggamit ng salapi. Ito ang naging kalakaran ng mga nagdaang administrasyon.
Ang napakadali at walang kumplikasyong instrumento ng pagkontrol at pananamantala ay ang salapi. Nakita natin kung paano unti-unting pinatahimik ng salapi ang Simbahan noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kung paanong naging madaling humingi at umasa sa pera ng ilang mga namumuno sa Simbahan. Nakalulungkot kung paano hindi ligtas ang mga taong-Simbahan sa salot na korupsiyon.
Kailangang magpakatatag upang hindi mahulog sa tukso ng salapi na sa tingin natin ay ang pangunahing tukso ng marumi at tiwaling pulitika sa ating bansa.
Pagdating sa mga kandidato, napakadaling makuha ang suporta ng mga naghihirap at nangangailangan ng pera. Mula itaas hanggang baba, mula sa pinaka-espirituwal hanggang sa pinaka-materyal at mala-salaping pagkatao, ganu'n na lang makaakit at makapagpahina ng loob at makapagpalabo ng pananaw ang salapi.
Ito marahil ang malalim na hamon ng pagtaas ng presyo ng lahat at ng pagkawala ng salapi at paghihirap ng marami.
Panahon nang maglakad, magtipid, magtanim, magpalitang-ani (barter), matulog nang maaga, magbawas ng konsumo ng anuman mula pagkain hanggang kuryente at gasolina. Panahon nang bumalik sa payak na pamumuhay.
Malaki ang magagawa ng pagpapasimple ng buhay. Lalaya tayo sa mga hindi nakakatulong na luho at gawaing nagpapahina ng isip, diwa, kaluluwa at katawan.
Sa araw-araw, sikaping bawasan ang gastos sa pamamagitan ng pagbabawas ng anumang konsumo. Tingnan natin ang ilang bagay na maaari nating bawasan:
Una, ang pag-uubos ng oras at lakas sa social media (Facebook, TikTok, YouTube atbp).
Pangalawa, ang pag-ubos ng pera sa walang saysay na gala at pasyal.
Pangatlo, ang pagsasayang ng pera sa sitsirya at softdrinks.
Pang-apat, ang pag-iwas sa paglulustay ng pera sa lahat ng bisyo (sigarilyo, alak at sugal).
At kung merong binabawasan na hindi nakakatulong at nakapagpapahina ng pananaw, pag-iisip at pagtuklas sa tama at totoo, meron namang maaaring dagdagan at palakasin, tulad ng:
Paglalakad, pagbibisikleta at pag-eehersisyo.
Pag-aaral at pagbabasa ng tama, totoo at mapanuring artikulo sa pahayagan at matinong social media.
Panonood ng debate para makilala at makilatis ang bawat kandidato.
Pagtulong na ikampanya ang matitino, malilinis at kuwalipikadong mga kandidato.
Pagsali sa iba’t ibang “Circles of Discernment” na inoorganisa ng Simbahan para tulungan ang mga botante na pumili nang maayos.
Paggamit ng social media para magpalaganap ng mga totoo at makatutulong na impormasyon para sa mabubuting kandidato at makatutulong ding impormasyon para makilala ang tunay na kulay at pagkatao ng mga hindi mabuting kandidato.
Pagsapi sa mga inoorganisang mga sektor na sumusuporta sa mabuting kandidato. At ipagpatuloy ang nabuong organisasyon para suportahan ang nilalayon ng kilusang binuo para sa kapakanan ng lahat.
Ito marahil ang hamon ng pahirap na buhay dahil sa pagtaas ng lahat ng bilihin.
Sa paghirap ng buhay dahil sa mataas na bilihin, kailangang maging simple at higit na lumaya ang buhay para sa higit na makabuluhan at malayang halalan.








Comments