top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Huwag magpabiktima sa mga nag-aalok ng trabaho online

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 19, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 19, 2023


Naglabas ng babala ang Bureau of Immigration (BI) tungkol sa illegal recruitment scheme na target ang mga dating overseas Filipino workers (OFWs) na naghahanap ng reemployment sa ibang bansa nang walang kaukulang work permit.


Nagbigay ng babala si BI Commissioner Norman Tansingco matapos magkahiwalay na mahuli ang dalawang babae sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang sinusubukang sumakay sa kanilang flight papuntang Dubai.


Pinigilan ng mga Immigration officers ang kanilang pag-alis matapos i-cross-reference ang kanilang mga rekord sa Department of Migrant Workers (DMW).


Kasunod ng imbestigasyon, natuklasan na ang mga kababaihan ay ilegal na na-recruit para magtrabaho bilang mga household service worker sa Dubai sa pamamagitan ng TikTok mobile video advertisement.


Inamin ng isa sa mga biktima na wala siyang kumpirmadong employer at sinabihang ipoproseso ang kanyang mga dokumento pagdating sa Dubai.


Ang isa pang biktima ay nag-claim na siya ay isang returning household worker mula sa Riyadh, Saudi Arabia, at iginiit na siya ay dumadaan lamang sa Dubai.


Itinurn-over na ang kaso sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa legal na aksyon laban sa mga recruiter na gumawa ng scam na ito.


Binigyang-diin ni Tansingco ang kahalagahan ng pag-iingat sa mga returning OFW kapag nakikipag-ugnayan sa mga recruiter habang nagpaalala sa kanila na ang BI at ang DMW ay may integrated data system na mabilis na mabe-verify ang legalidad ng mga presented clearances.


Sa Pilipinas, napakarami pa ring nabibiktima ng illegal recruitment at madalas itong nangyayari sa mga OFW. Hindi natin sila masisisi dahil batid naman natin ang matindi nilang pangangailangan para matustusan ang kani-kanilang mga pamilya.


Paalala lang sa mamamayan, huwag agad maniniwala sa mga nakikita online ukol sa mga recruitment na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa, at i-check maigi kung ito ay lehitimo.


Panawagan naman sa gobyerno, tutukang mabuti ang ganitong mga aktibidad upang wala nang mabiktima pa, at dahil kaligtasan ng mga OFW ang nakataya rito.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page