top of page
RUN WILD - BARBIE, NAPABILIB SI ALDEN SA PAGIGING WILD-IG _barbaraforteza.jpg

Huwag magpabiktima sa fake news

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 7
  • 1 min read

by Info @Editorial | June 7, 2026



Editoryal, Editorial


Sa gitna ng kaguluhang nagaganap ngayon sa Senado—ang sigalot sa liderato, mga alegasyon ng “coup,” usapin ng impeachment, at mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng ilang opisyal—kailangang maging mas mapanuri sa mga impormasyong nakikita online.


Nagbabala na rin ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) laban sa pagkalat ng mga hindi beripikadong balita, maling impormasyon, at mga post na maaaring magdulot ng kalituhan sa mamamayan.


Hindi maikakaila na mainit ang sitwasyon sa Senado. Nagkaroon ng matinding hidwaan sa pagitan ng mga paksyon ng mga senador na nauwi sa pagkaantala ng mga sesyon at pagtatalo kung sino ang may lehitimong kapangyarihan sa liderato ng kapulungan. Kasabay nito, umuugong sa social media ang samu’t saring bersyon ng mga pangyayari, marami rito ay walang sapat na ebidensya o konteksto.


Ang problema, mas mabilis kumalat ang haka-haka kaysa sa katotohanan. Sa bawat viral post, edited video, o mapanlinlang na caption, may posibilidad na mas lumala ang pagkakahati-hati ng publiko.


Kapag ang opinyon ay ipinapasa bilang katotohanan at ang tsismis ay itinuturing na balita, nawawala ang tiwala ng mamamayan sa mga institusyon ng gobyerno.


Ang kasalukuyang krisis sa Senado ay hindi dapat gawing dahilan upang basta paniwalaan ang anumang lumalabas online. Sa halip, dapat suriin kung saan nanggaling ang impormasyon, kung may opisyal na pahayag, at kung ito ay iniulat ng mapagkakatiwalaang media.


Habang nagpapatuloy ang mga tensiyon at tunggalian sa Senado, ang pinakamabisang depensa ng mamamayan laban sa panlilinlang ay hindi galit o pagkampi agad sa isang panig, kundi ang pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page