top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Huwag basta maniwala sa mga health articles, nagkalat ang fake news

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 23, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 23, 2023


Binalaan ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa mga artikulong kumakalat tungkol sa pekeng lunas sa hypertension.


Sa artikulo na may headline na, “Sensation! Professor Willie Ong has found a way to cure hypertension (get rid of blood pressure problems) once and for all in two weeks!”


Gumamit pa ito ng larawan ng panayam ni Ong at talk show host na si Boy Abunda, kung saan sinabi diumano ng doktor na nakaimbento siya ng gamot na tinatawag na “Dianorm”, na nagpapagaling ng hypertension at bumabara sa mga daluyan ng dugo sa loob lamang ng dalawang linggo.


Nilinaw ng DOH na ang nasabing post ay hindi nila inaprubahan at hindi inirerekomenda, maging ang mga kaakibat nitong ahensya.


Pinayuhan din ang publiko na kumuha lamang ng mga impormasyon mula sa mga lehitimong source at platform tulad ng website ng ahensya at opisyal nitong social media handle.


Nagbigay din ng paalala ang ahensya sa publiko na maiiwasan ang mga non-communicable disease at comorbidities tulad ng hypertension sa pamamagitan ng healthy habits at pagkakaroon ng healthy lifestyle, kabilang ang proper diet, exercise, atbp.


Ayon sa datos ng DOH, ang hypertensive disease ang ikalima sa karaniwang sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas noong 2022.


Gayunman, inirerekomenda ng DOH na magkaroon ng regular na checkup at magpakonsulta sa mga doktor upang maiwasan ang mga sakit.


Samantala, hinimok ni Philippine Society of Hypertension (PSH) Vice President Dr. Alejandro Diaz ang mga Pilipino na bantayan ang kanilang presyon ng dugo sa bahay sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng hypertension na dala ng COVID-19 pandemic.


Pakiusap sa mga netizens, ugaliin nating i-check kung lehitimo ang mga nababasa nating impormasyon online, lalo na ngayong laganap pa rin ang fake news.


Iwasan din natin ang mag-self medicate dahil baka lumala ang iyong mga karamdaman.


Magpakonsulta tayo sa doktor upang mabigyan ng reseta para sa tamang gamot.


Pakiusap din sa mga nagkakalat ng mga maling impormasyon sa social media, itigil niyo na ‘yan dahil maaaring makasira ng buhay ang mga impormasyong ikinakalat ninyo at maaari rin kayong makasuhan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page