top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Hurisa, na-DQ sa Marathon dahil sa banned na sapatos

BULGAR
Sep 16, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 16, 2021



Kailangang magdala ng panukat tuwing sasali sa mga marathon o fun run. Nadiskwalipika ang dapat na kampeon na si Derara Hurisa ng Ethiopia sa 2021 Vienna Marathon nitong Linggo sa Austria matapos malaman na masyadong makapal ang suwelas ng kanyang sapatos.

Matapos ipagpaliban noong 2020 bunga ng pandemya, nagbalik ang karera ngayong taon at si Hurisa ang unang tumawid sa finish line sa oras na 2:09:22 subalit ang kanyang tuwa ay biglang napalitan ng lungkot at hiya. Ayon sa patakaran, ang kanyang sapatos ay may kapal na limang sentimetro o higit ng isa sa itinakdang apat na sentimetro.

Dahil dito, inakyat ang pumangalawang si Leonard Langat ng Kenya na tatlong segundo lang ang agwat kay Hurisa sa oras na 2:09:25. Naging doble din ang selebrasyon dahil ang kanyang kababayang si Vibian Chepkirui ang nanaig sa Women’s Division sa oras na 2:24:29.

Dagdag ng mga hurado, iba ang sapatos na sinuot ni Hurisa sa idineklara niya. Ito ang unang pagkakataon na may nangyaring ganitong paglabag sa isang malaking karera gaya ng Vienna City na nasa kanyang ika-38 edisyon.

Noong Enero ng 2020 ay nagpatupad ng mga patakaran sa sapatos matapos isa-isang naglabasan ng mga bagong modelo ang mga magkaribal na kompanya na maaaring magpabilis sa takbo. Maihahambing ito sa naging kontrobersya sa Swimming kung saan ibinawal ng FINA ang ilang mga damit na mas madulas sa tubig.

Samantala, matatagalan pa ang pagbalik ng mga parehong karera sa Pilipinas ayon sa bagong patakaran ng pamahalaan na sisimulan ngayong araw ng Huwebes. Ang Kamaynilaan at ilang karatig na lugar ay nasa Alert Level Four kung saan pinapayagan ang tumakbo o mag-jogging pero limitado ito malapit sa tahanan.

Kahit ibaba ito sa pinakamaluwag na Alert Level One ay hindi pa rin makakabalik ang mga fun run dahil bawal ang mga malakihang pagtitipon. Sa ngayon, kailangan magtiis at sa halip ay lumahok sa mga virtual races na nauuso ngayon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page