top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Human trafficking, ‘di matatapos hangga’t may tiwaling airport at immigration officers

  • BULGAR
  • Jan 24, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 24, 2023


Iniimbestigahan ng Senado ang patuloy na pagdami ng mga Pinoy na nabibiktima ng human trafficking.


Ito ay sa kabila ng pagkakabuking sa bagong modus kung saan aaluking magtrabaho ang mga Pinoy bilang call center agent sa ibang bansa, pero sa panloloko gamit ang cryptocurrency ang kanilang bagsak.


Matatandaang noong nakaraang taon ay nabulgar na ibang trabaho ang dinatnan ng mga na-recruit sa ibang bansa. Napag-alamang ang mga biktima ay pinangakuan ng trabaho bilang call center agent, ngunit pagdating sa Thailand ay itinawid sila papuntang Myanmar para gawing scammer na gumagamit ng cryptocurrency.


Kamakailan naman, natuklasan na marami ring Pinoy sa Cambodia na biktima ng human trafficking matapos lumapit kay Sen. Risa Hontiveros ng isang Pinay na masuwerteng nakabalik sa bansa matapos mabiktima ng naturang mafia. Ang modus ay tulad ng mga ginagawa sa mga nire-recruit sa Myanmar.


Kuwento ng biktima, bukod sa sinasaktan ang iba kapag walang naipasok na kliyente, halos hindi na rin sila pinagpapahinga.


Samantala, ibinunyag ni Sen. Hontiveros na may mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark airport ang umano’y sangkot sa outbound human trafficking ng mga Pilipino sa Cambodia.


Nagbabayad umano ang mga recruiter ng P75,000 hanggang P100,000 sa opisyal ng immigration para sa bawat Pinoy na pinapayagan nilang lumipad nang walang kahirap-hirap.


Dahil dito, nagbanta ang Senador na mananagot ang sinumang nakikipagsabwatan sa mga illegal recruiter at sindikato.


Sa totoo lang, hindi matatapos ang ganitong sistema kung may mga tiwaling kawani ng gobyerno.


Huwag nating kalimutan na tungkulin ng airport at immigration officers na pigilang mapunta sa sindikato ang mga kababayan natin. Pero ang masaklap, kabaliktaran ang nangyayari dahil sila pa mismo ang nagpapahamak sa kapwa Pilipino.


Kaya hamon natin sa mga kinauukulan, linisin ang kanilang hanay at panagutin ang mga mapapatunayang sangkot sa krimen.


Patunayan nating may pangil ang batas laban sa mga mapagsamantalang kawani ng gobyerno.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page