top of page
Sen. Robin Padilla - FB.jpg

Huli sa CCTV... Pulis-vlogger nambugbog ng ka-live, sibak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 2 min read

ni Jeff Tumbado @News | May 12, 2026



Vlogger pulis - Circulated

Photo:Gen. CCTV / Circulated



Sinibak na sa puwesto ang isang pulis na vlogger sa Malolos City Police Station (MCPS) na nag-viral sa social media ang kuha ng CCTV ng pambubugbog nito sa kanyang live-in partner.


Sa isang press briefing, sinabi ni Police Lt. Colonel Rommel Geneblazo, hepe ng Malolos City Police, kanila ng ni-relieve at dinis-armahan si Police Corporal Dela Cruz, na nagsisilbing patrol driver at station vlogger.


Batay sa video na in-upload mismo ng biktima sa social media, makikitang pisikal na sinasaktan at binubugbog umano siya ng pulis sa gitna ng kanilang pagtatalo noong Marso 12, 2026 alas-6:30 ng gabi.


Ayon kay Geneblazo, maging ang PNP identification card ni Dela Cruz ay kinumpiska upang hindi na magamit sa anumang transaksyon o ilegal na gawain.

“Nasa admin holding section na po namin sa Bulacan Police Provincial Office si Corporal Dela Cruz,” pahayag ni Geneblazo.


Dagdag pa ni Geneblazo na posibleng matanggal sa serbisyo ang nasabing pulis habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.


Ayon kay Geneblazo, lumalabas na nagsimula umano ang alitan matapos komprontahin ng biktima si Dela Cruz dahil pinatay nito ang kanyang location tracker na ikinagalit ng biktima.


Nabatid din sa imbestigasyon na dalawang beses na umanong nakaranas ng pananakit ang biktima sa kanyang ka-live-in kung saan unang naitala ang insidente noong Hunyo 22, 2025.


Inihayag naman ng Philippine National Police (PNP) na bukod sa kinakaharap na administratibo ay sasampahan din si Dela Cruz ng kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 partikular sa physical at emotional abuse.


Iniimbestigahan din ng mga otoridad kung ano ang bagay na umano’y hinugot ng pulis mula sa kanyang baywang habang nagaganap ang insidente na makikita sa viral video.

Kaugnay nito, naglabas naman ng pahayag ang naturang pulis-vlogger upang humingi ng tawad sa kanyang kinakasama.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page