Huwag gawing normal ang baha at puro palusot
- BULGAR

- 15 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | August 21, 2026

Taun-taon na lang, pareho ang eksena: malakas na ulan, lubog na kalsada, stranded na manggagawa, kanseladong klase at mga pamilyang naglilipat ng gamit habang pumapasok ang baha sa kanilang bahay.
Hindi na sapat ang dahilan na malakas ang ulan. Kung paulit-ulit ang problema, dapat matagal nang handa ang solusyon.
Bilyun-bilyong piso ang inilaan sa flood control, drainage, pumping stations at iba pang imprastraktura. Kaya makatuwirang itanong: Bakit napakabilis tumaas ng baha pero napakabagal ng permanenteng solusyon? Kailangang tukuyin kung aling proyekto ang palpak, atrasado, kulang o hindi talaga epektibo—at papanagutin ang responsable.
Hindi puwedeng rescue at relief operations lamang ang sagot sa bawat pagbaha. Linisin at palawakin ang mga daluyan ng tubig, ayusin ang drainage, tiyaking gumagana ang pumping stations, resolbahin ang mga bottleneck at tapusin agad ang mga proyektong nakatengga.
Ang kailangan ay aksyon bago bumaha, hindi paliwanag pagkatapos.
Panahon nang bilis-bilisan. Habang tumatagal ang problema, ordinaryong mamamayan ang nagbabayad—sa nasirang bahay, nawalang kita, trapik at panganib sa buhay.
Hindi dapat maging normal ang paglubog sa baha. Ang gobyernong may pondo, kapangyarihan at responsibilidad ay dapat kumilos—at kumilos nang mabilis.



Comments