top of page
Search
  • BULGAR

House Speaker Romualdez, ‘pag napababa ang presyo ng bilihin, baka umangat na ang rating

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 26, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez


POPULARIDAD NI SEN. RAFFY TULFO, APEKTADO SA ATAKE NG MGA HENERAL -- Tila nakaapekto sa popularidad ni Sen. Raffy Tulfo ang atake sa kanya ng mga active at retired na military at police generals tungkol sa isyung pagtawag niya ng duwag kay Army Pfc. Raymond Canlog na napatay sa pakikipag-engkuwentro sa mga komunista.


Noong hindi pa binabatikos ng mga heneral si Sen. Raffy, sa 2028 presidential survey ng Pulse Asia ay nag-top siya, ang rating niya ay 35%. Lamang siya ng 1 point sa pumangalawa lang na si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa rating na 34% at pangatlo ay si former VP Leni Robredo sa rating na 11%. Pero mula nang batikusin siya ng mga heneral, sa latest 2028 presidential survey ng WR Numero Research Firm ay nag-top uli si VP Sara at ang laki ng inilamang dahil ang rating niya ay 29.3%, habang ang rating lang na nakuha ni Sen. Raffy ay 20.7%, naging lamang si VP Sara ng halos 8 points, tsk!


XXX


SINO ANG NASA LIKOD NG BLACK PROPAGANDA LABAN KAY SEN. RAFFY TULFO? -- Ang isyu tungkol kay Pfc. Raymond Canlog ay matagal na, noong July 2020 pa ito, humingi ng tulong kay Raffy Tulfo ang nobya ng sundalo dahil hindi raw tinupad ang pangakong kasal. Tinawagan nito (Raffy) sa cellphone si Pfc. Canlog para alamin kung bakit hindi tinupad ang kasal, sumagot ang sundalo na saka na lang niya sasagutin ang tanong dahil may operation daw sila. Inakala ni Raffy na “nagpapalusot” lang ito kaya sinabihan niyang “duwag sa kanyang pananagutan sa nobya” ang Army soldier, at huli na nalaman ni Raffy na totoong nasa operation at napatay si Pfc. Canlog. Gayunman, humingi siya ng public apology at sa pamilya ng napatay na sundalo.


Sa totoo lang, may dahilan naman talaga ang mga heneral na magalit kay Raffy, pero ang usaping ito ay matagal na, at kung sinuman ang nasa likod sa pagbuhay sa isyu ay masasabing isang uri ito ng black propaganda, kasi nga nag-top na sa 2028 presidential survey ng Pulse Asia si Sen. Raffy, period!


XXX


KAPAG NAGPATULOY ANG PAGTAAS NG RATING NI EX-VP LENI, BAKA MAKUMBINSE SIYANG KUMANDIDATO ULI SA 2028 ELECTION -- Sa 2028 presidential survey ay kapuna-puna ang pagtaas ng 1 point sa rating ni ex-VP Leni, kasi sa survey ng Pulse Asia ay 11% ang rating niya, pero sa survey ng WR Numero Research Firm ay naging 12% rating niya.


Kung magpapatuloy ang pagtaas ng rating ni ex-VP Leni ay baka maging dahilan ‘yan upang makumbinse siya ng mga “dilawan” at “kakampink” na lumaban uli sa presidential election sa year 2028, abangan!


XXX


MAPABABA LANG NI SPEAKER MARTIN ROMUALDEZ ANG PRESYO NG BILIHIN, BAKA TUMAAS ANG RATING NIYA SA PRESIDENTIAL SURVEY -- Paiimbestigahan ni Speaker Martin Romualdez sa Kongreso ang mataas na presyo ng mga bilihin, gayong mababa naman ang farm gate price ng mga produktong pagkain.


Kapag nagawa ni Speaker Romualdez na mapababa ang presyo ng bilihin, asahan na niyang matutuwa sa kanya ang mamamayan at baka dahil d’yan ay tumaas din ang rating niya sa 2028 presidential survey, period!


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page