#HOTNEWSNG2025: Yearend Report 2025
- BULGAR

- 3 hours ago
- 8 min read
ni Jenny Rose Albason | December 31, 2025

ENERO
INIURONG ng Department of Justice ang 98 kaso ng reckless imprudence resulting in homicide laban kay dating Health Secretary Janette Garin at iba pa, ayon sa resolusyong pirmado ni Justice Secretary Crispin Remulla noong Enero 10. Nakasaad sa desisyon na walang malinaw na causal link sa pagitan ng Dengvaxia at pagkamatay ng mga biktima, matapos ang petition for review ng kampo ni Garin. Nagpahayag ng pagtutol ang Public Attorney’s Office at naghain ng motion for reconsideration, iginiit nilang may sapat na ebidensya para sa conviction.

NAGPASALAMAT si Vice President Sara Duterte sa Iglesia Ni Cristo matapos magsagawa ang grupo ng National Rally for Peace bilang suporta sa paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. laban sa mga impeachment case sa kanya. Sa video message, tinawag niyang makapangyarihang simbolo ng pagkakaisa at pananampalataya ang naturang pagtitipon.
PEBRERO

INIAKYAT sa Senado ang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte matapos makalikom ng 215 pirma mula sa mga kongresista, kaugnay ng alegasyon ng Culpable Violation of the Constitution, Betrayal of Public Trust, Graft and Corruption, at iba pang high crimes sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
NAGSAMPA ng criminal case laban kay House Speaker Martin Romualdez at iba pang mambabatas dahil sa umano’y P241 bilyong “insertions” sa 2025 national budget. Naghain ng kasong falsification of legislative documents laban kina Romualdez, House Majority Leader Mannix Dalipe, dating House appropriations committee chair Zaldy Co, at iba pa sa Quezon City Prosecutor’s Office. Binatikos ni dating Speaker at incumbent Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang mga blank entries sa bicameral conference committee report at ang hindi pagbibigay ng kopya ng enrolled bill sa kanila, na nagkakahalaga umano ng P241 bilyon.
MARSO
BUMAGSAK ang Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela matapos daanan ng mga overloaded na truck, at lumabas na mali umano ang naging disenyo ng tulay. Ang proyekto na orihinal na nagkakahalaga ng P1.8 bilyon ay binawasan sa P1 bilyon, ngunit umabot din sa P1.2 bilyon dahil sa mga ginawang refitting matapos mapansin ang structural issues habang itinatayo pa ito. Lumabas na ang tulay, na idinisenyong parang suspension bridge, ay walang cable support at nagkaroon ng kahinaan sa bakal na dapat ay nagpapalakas sa istruktura.

ISINAKAY sa isang chartered flight patungong The Hague, Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng pagpapaparesto sa kanya ng International Criminal Court (ICC) para sa kasong crimes against humanity kaugnay sa war on drugs ng kanyang administrasyon. Inaresto ang dating pangulo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na galing ng Hong Kong. Inilagay sa kustodiya ng Villamor Airbase sa Pasay City si Duterte matapos itong arestuhin kasunod ng arrest warrant na ipinalabas ng International Police bago ito inilipad sa The Hague.
ABRIL

PUMANAW sa edad na 88 si Pope Francis sa kanyang tirahan sa Casa Santa Marta, ayon sa ulat ng Vatican. Na-admit ang Santo Papa noong Pebrero sa ospital dahil sa bronchitis at kalaunan ay na-diagnose ng bilateral pneumonia bago bumalik sa kanyang residence upang magpagaling. Ayon sa Vatican, ang buong buhay ni Pope Francis ay inilaan sa paglilingkod sa Diyos at sa Simbahan, lalo na sa mahihirap at pinaka-nasa laylayan, at ang kanyang kaluluwa ay inihandog sa awa ng Diyos.
MAYO

DINISKWALIPIKA ng 2nd Division ng Comelec si Atty. Christian Sia bilang kandidato sa pagka-kongresista sa Pasig City matapos ang kontrobersyal niyang “siping joke” para sa mga single moms at pag–body shame sa isang dating staff. Nag-motu proprio rin ang Comelec sa paghahain ng kaso laban sa kanya.
HUNYO

TATANGGALIN sa serbisyo ang mga pulis na hindi makakamit ang tamang timbang sa loob ng isang taon, ayon kay PNP Chief PGen. Nicolas Torre III. Bibigyan sila ng 6 buwan hanggang 1 taon upang maabot ang standard weight na hindi dapat lumampas o kulang ng 5 kilo batay sa taas, edad, at kasarian. Para naman sa may kondisyong medikal, maaari silang ilipat sa admin work o sumailalim sa disability discharge.
HINDI dumalo si Vice President Sara Duterta sa ikaapat na SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong Hulyo 28 dahil hindi umano niya inaasahang may makabuluhang anunsyo ang Pangulo. Ito ang ikalawang sunod na taon na hindi siya sumipot sa SONA, matapos ding tumanggi noong 2024 matapos magbitiw bilang education secretary.
PUMALAG si Senadora Risa Hontiveros sa isang video sa YouTube kung saan isang nagpakilalang testigo, alyas Rene, ang nagsabing binayaran daw siya ng kampo ng senadora para tumestigo laban kina Apollo Quiboloy, dating Pangulong Duterte, at VP Sara Duterte. Giit ng kampo ni Hontiveros, pawang kasinungalingan ang paratang at boluntaryo ang lahat ng testimonya sa Senado laban kay Quiboloy.
HULYO

IPINAG-UTOS ni Pangulong Marcos ang imbestigasyon sa posibleng katiwalian sa mga flood control projects matapos ang malawakang pagbaha sa bansa. Inatasan ang Department of Public Works and Highways na isumite ang listahan ng mga proyekto sa nakaraang tatlong taon upang suriin ang mga hindi natapos, palpak, o umano’y ghost projects.
IDINEKLARANG unconstitutional ng Korte Suprema ang articles of impeachment laban kay VP Sara Duterte sa pamamagitan ng unanimous decision, dahil nilabag ang one-year ban rule at ang karapatan sa due process. Nilinaw ng SC na hindi ito nag-aabsuwelto kay Duterte at puwede pa siyang sampahan ng impeachment complaint simula Pebrero 6, 2026.
KUMASA si PNP Chief Police General Nicolas Torre III sa hamon ni Davao City acting Mayor Baste Duterte para sa isang suntukan at iminungkahi itong gawing charity boxing match sa Araneta Coliseum noong Hulyo 27. Layunin nito na makalikom ng pondo para sa mga biktima ng bagyo at baha, at posibleng i-live sa social media upang hikayatin ang donasyon. Gayunman, hindi sumipot si Duterte sa nasabing boxing match.
SA eksklusibong panayam, pinangalanan ni alyas Totoy ang mga umano’y utak sa pagkawala ng mahigit 100 sabungero, kabilang sina Atong Ang, Eric Dela Rosa, at Engineer Celso Salazar. Inilahad din niya ang umano’y pagkakasangkot ng ilang miyembro ng PNP at aktres na si Gretchen Barretto, at sinabing inalok siya ng P300 milyon para bawiin ang kanyang pahayag.
AGOSTO

INIREKLAMO sa DOJ ng pamilya ng mga nawawalang sabungero sina Charlie Atong Ang, Gretchen Barretto, at 59 pang indibidwal sa kasong multiple murder at serious illegal detention. Umapela ang pamilya ng biktima na masusing imbestigahan ang reklamo at umaasa na aakyat ito sa korte.
NAG-RESIGN si Nadia Montenegro bilang political affairs officer ni Senador Robin Padilla. Itinanggi ni Nadia ang akusasyon na gumamit siya ng marijuana sa Senado at sinabi na nagbitiw siya para sa kapakanan ng kanyang mental health at mga anak, hindi bilang pag-amin ng kasalanan. Ipinaliwanag niya na nais lamang niyang alisin ang sarili sa spotlight upang makapagpokus ang Senado sa trabaho at mariing itinanggi ang anumang paratang laban sa kanya.
IBINUNYAG ni VP Sara Duterte na may nangyaring katiwalian hindi lang sa flood control projects kundi pati sa pondo ng DepEd para sa school buildings, na umano’y pinaghati-hatian ng ilang kongresista. Sinabi niyang diretso raw kinuha ng mga ito ang school building budget at isinaksak sa House version ng GAA bago iaakyat sa Senado. Hinamon din niya ang administrasyon na imbestigahan ang 2024 at 2025 national budget kung seryoso itong labanan ang korupsiyon.
SETYEMBRE

ITINURO ni Sen. Chiz Escudero si dating House Speaker Martin Romualdez bilang umano’y utak sa likod ng mga akusasyon laban sa kanya at sa ilang senador kaugnay ng anomalya sa flood control projects. Ayon kay Escudero, may mga testigong nag-uugnay kay Romualdez sa pagdadala ng milyun-milyong piso mula sa flood control funds, ngunit wala pa ring aksyon laban dito. Iginiit niyang ginagamit umano ang mga senador bilang “fall guy” upang ilihis ang pansin mula sa Kamara at sa tunay na sangkot sa katiwalian.
NAGBITIW si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser ng Independent Commission for Infrastructure dahil umano sa mga pahayag ng Palasyo na sumasalungat sa kanyang mandato at nagdududa sa kalayaan ng komisyon.
IPINRISINTA ni Senador Rodante Marcoleta ang dating security consultant ni Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co na si Orly Regala Guteza, na nagsabing naghatid siya ng mga maleta na may lamang P48 milyon bawat isa sa bahay ni Co at ni dating Speaker Martin Romualdez kaugnay sa maanomalyang flood control projects. Ayon sa affidavit ni Guteza, ilang beses siyang nag-deliver ng pera mula Disyembre 2024 hanggang Agosto 2025 at nagpatuloy pa sa iba pang bahay ni Romualdez sa Forbes Park na dating bahay ni Michael Yang.
OKTUBRE

INATASAN ng Office of the Ombudsman ang NBI at BFP na imbestigahan ang sanhi ng sunog sa DPWH building sa Quezon City, kabilang kung sinadya ito o hindi. Ayon sa DPWH, nagsimula ang apoy sa sumabog na computer unit sa Materials Testing Division at walang nasaktan na empleyado, habang karamihan ng dokumento ay ligtas sa central digital database. Batay sa ICI, humigit-kumulang isang porsyento ng mga dokumento lamang ang naabo.
HINDI bababa sa 69 ang nasawi sa magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu, at nakaranas ng higit 800 aftershocks sa lalawigan. Maraming gusali, negosyo, tulay, kalsada, at bahay ang napinsala, at isinailalim sa state of calamity ang buong Cebu. Tinukoy ng PHIVOLCS na ang lindol ay dulot ng isang offshore fault sa pagitan ng Cebu at Leyte, na 400 taon nang hindi gumagalaw, kaya nag-deploy sila ng quick response team upang masusing masuri ang sitwasyon.
NOBYEMBRE

NAGSAULI ng P110 milyon si dating DPWH District Engineer Henry Alcantara sa DOJ bilang bahagi ng restitution condition sa kanyang hiling na maging state witness. Ayon kay Acting Justice Secretary Fredderick Vida, kabuuang P300 milyon ang dapat ibalik ni Alcantara, at pangako niyang isasauli ang natitirang halaga.
INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na sinubukan siyang i-blackmail ng kampo ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, na ang kondisyon ay kanselahin ang pasaporte ni Co upang hindi ilabas ang mga video laban sa gobyerno. Binanggit ng Pangulo na hindi siya nakikipagnegosasyon sa mga kriminal at hinamon si Co na bumalik sa bansa at harapin ang mga paratang.
INIHAYAG ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na iniutos umano ni House Majority Leader Sandro Marcos ang mahigit P50 bilyong insertions sa pambansang badyet mula 2023 hanggang 2025, at may mga kontraktor pa umano na nagbayad nang maaga kapalit ng katiyakan sa mga kontrata. Pinabulaanan ni Sandro ang alegasyon, tinawag itong tangkang destabilisasyon laban sa kasalukuyang administrasyon. Ayon kay Co, umabot sa P50.938 bilyon ang kabuuang halaga ng insertions, at nagbitiw siya bilang chairperson ng House appropriations panel noong Enero 2025 dahil sa isyu sa kalusugan.
INAKUSAHAN ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating Speaker Martin Romualdez, at ilang miyembro ng Gabinete na nagplano umano ng P100 bilyong budget insertions sa pambansang badyet noong Bicam process ng 2024. Ayon kay Co, personal umanong nagmula ang utos sa Pangulo, na kalauna’y ibinaba sa P50 bilyon ang halaga sa 2025 DPWH budget dahil lalampas na ito sa pondo ng DepEd, na aniya’y labag sa Saligang Batas. Iginiit din ni Co na ginagamit umano ng administrasyon ang buong makinarya ng gobyerno upang patahimikin siya at gawing “panakip-butas” sa kampanya laban sa korupsiyon.
DISYEMBRE

KINUMPIRMA ng Benguet police ang pagkasawi ng dating DPWH Undersecretary na si Catalina Cabral matapos matagpuan ang kanyang bangkay sa malalim na bahagi ng Kennon Road malapit sa Bued River sa Tuba, Benguet. Ayon sa imbestigasyon, hiniling umano ni Cabral na iwan siya ng kanyang driver upang mapag-isa bago siya mawala, at patuloy pang sinisiyasat ng mga otoridad ang sanhi ng kanyang pagkamatay, kabilang ang autopsy, DNA test, at pagsusuri sa kanyang mga gadgets. Isa si Cabral sa iniimbestigahang personalidad sa flood control projects anomaly, habang itinuturing na ring person of interest ang kanyang driver at iba pang huling nakasama niya.








Comments