Homecourt online practice, susubukan ni karateka Lim
- BULGAR

- Jul 29, 2020
- 2 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | July 29, 2020

Hindi magiging hadlang ang kasalukuyang pandemya sa pangarap ni Karate champion Jamie Christine Lim na makalahok sa Tokyo Olympics sa susunod na taon. Matibay ang loob ng Southeast Asian Games gold medallist na gagamitin niya ang sitwasyon para sa kanyang ikalalamang at isa dito ay ang pag-ensayo sa pamamagitan ng online.
“No sparring at the moment so we just focus on strengthening and general conditioning,” kwento ni Lim sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum. Sinamahan siya nina Lester Castillo ng Nestle Philippines at Richard Lim ng Karate Pilipinas kung saan pinakilala nila ang bagong MILO Home Court na ang layunin ay magturo ng palakasan sa mga kabataan sa loob ng kanilang tahanan sa pamamagitan ng online.
Ang Karate ay isa sa napiling disiplina at malaki ang magiging papel ng mga magulang. Magpapadala muna ng mga video at larawan na magsisilbing gabay sa kanilang pagturo at naniniwala si Richard Lim na epektibo ito kahit walang karanasan ang magulang sa Karate o kahit anong Martial Art.
Nakatutok ang pansin ni Jamie sa parating na Olympic Qualifying Tournament sa Paris sa Hunyo, 2021 na dapat ay naganap noong nakaraang Mayo. Tatlong tiket sa Tokyo ang paglalabanan at hindi na sasali ang mga naunang pumasok na sa Olympiada kaya mas lumaki ang pag-asa ng mga Pinoy tulad nina Junna Tsukii at Joane Orbon.
Handa naman ang buong national Karate Team na sumailalim sa bubble training. Napipisil ang PhilSports Complex sa Pasig City bilang lugar matapos ito linisin at ayusin.
Libre para sa lahat ang MILO Home Court. Subalit simula Agosto may maliit na singil para sa mga ensayo na may kasamang coach para sa mas masinsin na pagtuturo.
Samantala, ang inaabangang taunang MILO Marathon ay naghihintay ng pahintulot ng Inter-Agency Task Force kung kailan matutuloy ito. “We are on standby and monitoring how the situation is progressing, once we get the guidelines, we will make the announcement,” wika ni Castillo.





Comments