Holiday season, panahon din ng mga kawatan, ingat!
ni Ryan Sison - @Boses | October 30, 2022
Habang papalapit ang Kapaskuhan, nagpaalala ang pulisya sa publiko na mag-ingat sa posibleng paglaganap ng iba’t ibang scam o panloloko, partikular ang online scam.
Ito umano ang panahon na maaaring manamantala ang mga may pakana ng online modus.
Dagdag pa ng pulisya, mag-ingat sa mga text message, e-mail at tawag na natatanggap mula sa mga hindi rehistradong numero o email. Hangga’t maaari ay agad itong burahin at huwag nang i-click ang anumang natanggap na kahina-hinalang link.
Sinasamantala pa umano ng mga online scammers ang mga biktima upang makakuha ng pera o iba pang mahahalagang personal na impormasyon sa pamamagitan ng mga personal o work e-mail account, social networking site, dating app atbp.
Matatandaang, ilang buwan nang problema ang kaliwa’t kanang scam online. At sa kabila ng mga paalala at babala, may ilan pa ring nabibiktima.
Hindi na bago ang mga ganitong isyu tuwing palapit ang Kapaskuhan, pero ang problema, mas malala na ang mga modus dahil mas madali nang nagagawa ang pambibiktima. Kumbaga, ilang pindot lang ay nagagawa na ang panloloko o scam.
Nakadidismaya lang dahil imbes na magdoble-kayod sa legal na paraan ang mga ito, pinipili pang manlamang ng kapwa.
Kaya naman paalala sa lahat, anumang paraan ng panloloko — online man o hindi — maging matalino tayo. Hindi na tayo dapat mabiktima ng mga kawatang ito.
Isa pa pang paalala, huwag magdalawang-isip na magsumbong sa mga awtoridad kung may impormasyon laban sa panloloko. Malaking tulong ito upang maparusahan ang nasa likod ng iba’t ibang panloloko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments