Hirit ni Spox Roque na happy siyang 27.3 milyong Pinoy ang jobless, sobrang sablay!
- BULGAR

- Aug 19, 2020
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 19, 2020
KAPALPAKAN NI ROQUE, SA DUTERTE GOV’T. NAGBU-BOOMERANG—Pinutakti ng batikos si Presidential spokesman Harry Roque sa statement nitong nagagalak daw siya sa survey ng SWS na 45.4 % o nasa 27.3 milyong Pinoy ang nawalan ng trabaho dulot ng COVID-19 pandemic. Aniya, hindi naman pumalo sa 100% ang naging jobless.
Mantakin n’yo, milyun-milyon na ang nawalan ng work, nagagalak pa raw siya?
Dapat sibakin na ni P-Duterte si Roque bilang spokesman niya kasi ang palpak na statement nito ay sa Duterte gov’t. nagbu-boomerang, boom!
◘◘◘
SI ROQUE ANG DAPAT SISIHIN SA FAKE NEWS NA NAGKA-COVID-19 ANG PANGULO—Si Roque ang dapat sisihin sa pagkalat ng fake news sa social media na nahawaan ng COVID-19 si P-Duterte kasi ang lalim ng statement nitong nasa “perpetual isolation” daw ang pangulo.
Eh, hindi lubos na maintindihan ng publiko ang ibig sabihin ng “perpetual isolation” kaya’t natural lang na mag-aalala ang taumbayan at alamin ang kalagayan ng pangulo, ‘yun pala ay nasa mabuti itong kalagayan nang mag-post sa social media si Sen. Bong Go na kasama ang pamilyang kumakain sa loob ng kanilang tahanan.
Next time, huwag nang artehan pa ni Roque kanyang mga statement para hindi nape-fake news ang publiko, period!
◘◘◘
KASUHAN SI GADON!—Tumugon na si Atty. Larry Gadon sa kumalat sa social media tungkol sa kanyang larawan na ang face mask ay idinikit niya sa face shield.
Aniya, hindi siya naniniwalang nakakatulong sa pag-iwas sa virus ang face mask kaya hindi siya nagsusuot nito.
Sa isyung ito, dapat kasuhan si Gadon dahil fake news ang sinabi nitong hindi nakakatulong sa pag-iwas sa virus ang face mask dahil WHO (World Health Organization) na ang nagsabi na face mask ang isa sa mga panlaban sa deadly virus, boom!
◘◘◘
BALIK-GCQ NA KAYA’T HUWAG MAGING PASAWAY PARA HINDI NA MAG-LOCKDOWN ANG GOBYERNO—Balik GCQ (General Community Quarantine) na ang Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna at Bulacan, na ibig sabihin ay open na ulit ang mga kumpanya, may public transport at back to work na ang may mga trabaho.
Sana ay huwag na pasaway ang mamamayan at makiisa na sa panawagan ng gobyerno na palaging magsuot ng face mask lalo na sa pampublikong lugar, palaging maghugas ng mga kamay at palaging sundin ang social distancing nang sa gayun ay humupa na ang pananalasa ng virus sa bansa dahil kapag nagpatuloy ang pagdami ng mga tinatamaan ng virus, baka maobliga ang pamahalaan na i-lockdown ulit ang bansa na magdudulot ng sobrang kahirapan sa mamamayan, period!





Comments