top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Hirit ni Pacquiao, pa-ayuda ni P-Du30, kung P200 lang 'wag nang ibigay

BULGAR
Mar 19, 2022
2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 19, 2022


PALPAK NA REKOMENDASYON NG NEDA SECRETARY – Inirekomenda ni Sec. Karl Kendrick Chua ng NEDA (National Economic Development Authority) kay P-Duterte na ngayong panahon na patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis, ay gawin daw munang apat na beses sa loob ng isang linggo ang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan.


Iyan ang rekomendasyong palpak, kasi mantakin n'yo, ang kupad na nga ng serbisyong naipagkakaloob ng mga tanggapan ng gobyerno sa mamamayan sa loob ng limang araw na pasok sa pamahalaan, eh gusto pang bawasan ng isang araw, buset!


◘◘◘


HINDI SAPAT ANG P200 MONTHLY TULONG NG GOBYERNO SA MAHIHIRAP NA PAMILYA SA PANAHON NG KRISIS – Hindi nagustuhan ni presidential candidate, Sen. Manny Pacquiao ang pakunswelo ni P-Duterte na bigyan ng P200 monthly ang mahihirap na mamamayan, kapalit ng hindi pagsuspinde ng oil excise tax, at dahil d'yan ay nasabi ng boksingerong pulitiko na kung ganyan kaliit lang ang ibibigay na ayuda ay huwag nang ibigay, kasi siya (Pacman) raw ay P1K kung magbigay ng tulong, tapos ang gobyerno P200 lang.


May punto si Pacman na punahin si P-Duterte sa isyung ito, kasi sa totoo lang, hindi sapat ang P200 monthly tulong ng pamahalaan sa mahihirap na Pilipino ngayong panahon ng krisis dulot ng pagtaas ng presyo ng langis, bilihin at mga bayarin, period!


◘◘◘


PACQUIAO, BAKA IPANAWAGAN DIN NI P-DUTERTE NA HUWAG IBOTO – Isa si Pacquiao sa naghahangad ng endorsement ni P-Duterte, pero dahil sinaltik niya ang Pangulo sa isyung P200 monthly ayuda sa mga mahihirap na Pilipino, ay asahan na ni Pacman na malabo na siyang iendorso ng presidente.


Ang masaklap n'yan, imbes endorsement ay baka manawagan pa si P-Duterte na huwag iboto si Pacman, kasi may ugali ang Presidente na kapag kinakalaban siya ng pulitiko ay nananawagan siyang huwag iboto ang pulitikong kumakalaban sa kanya, tulad ng panawagan niya sa mamamayan na huwag daw iboto si Sen. Richard Gordon na namuno sa pag-imbestiga sa PS-DBM (Procurement Service-Dept. of Budget and Management)-Pharmally multi-billion peso scam na kinasasangkutan ng mga tauhan at kaibigan ng Pangulo, boom!


◘◘◘


DAPAT BAWIIN NI P-DUTERTE ANG APPOINTMENT NIYA KAY NERI BILANG BAGONG COMMISSIONER NG COMELEC – Kinuwestyon ni Sen. Franklin Drilon ang pagkakatalaga ni P-Duterte kay former Justice Assistant Sec. Aimee Torrefranca-Neri bilang bagong commissioner ng Comelec dahil may bad record daw ito, tulad ng paghingi ng P10 milyon sa bilanggong drug lord na si Herbert Colangco para "aregluhin" ang kaso nito sa Supreme Court (SC), pero nang hindi raw pumabor sa convicted criminal ang hatol ng hukuman, ay P7 milyon lang daw ang isinoli nito kay Colangco.


Aba, eh kung ganyan na may bad record pala si Neri ay dapat bawiin na ni P-Duterte ang appointment niya rito, kasi baka magkaroon ng bad na pagtingin ang publiko sa Comelec lalo at panahon ngayong eleksyon, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page