ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 21, 2024
Simula noong nakaraang Mayo 16 ay sinimulan nang hulihin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga jeepney na hindi nag-consolidate ng kanilang unit sa kooperatiba o korporasyon.
Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na ang mga PUV operator na hindi nag-apply para sa consolidation bilang bahagi ng PUV Modernization Program (PUVMP) matapos ang deadline noong Abril 30, 2024 ay maituturing nang ilegal at ang kanilang jeepney ay kolorum na rin.
Tapos na ang ibinigay na palugit kaya sinimulan na umano ng LTFRB ang manghuli ng driver ng sasakyan na hindi na pinapayagang magbiyahe dahil sa hindi nag-consolidate.
Ang mga driver na mahuhuli na namamasada ng kolorum na sasakyan ay masasampahan ng one-year suspension at ang kanilang PUV ay papatawan ng P50,000 penalty at 30-araw mai-impound.
Pinalagan naman ng transport group na Manibela ang paghuli sa mga bumibiyaheng jeepney na hindi nagpa-consolidate para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Sinabi ni Manibela president Mar Valbuena na labag sa batas at hindi tamang ideklarang kolorum ang mga hindi nagpa-consolidate na jeepney.
Ayon kay Valbuena, bukod sa may prangkisa sila ay wala silang nilalabag na batas at hindi tamang ideklara silang kolorum dahil sa hindi pagpapa-consolidate.
Inihayag pa ni Valbuena na nasa 40 ruta sa National Capital Region (NCR) ang hindi na-consolidate.
Dagdag pa niya, hindi bababa sa 25,000 units ang jeepney na hindi nagpa-consolidate, mas marami kaysa sa mga nagpa-consolidate sa Metro Manila.
Ayon din kay Valbuena, ito ang dahilan kaya maraming pasahero ang stranded at napilitang sumakay ng tricycle kahit triple ang singil nito kumpara sa tradisyunal na jeepney.
Samantala, ibinahagi ni Valbuena na nakapagpiyansa siya sa kasong cyberlibel case na inihain laban sa kanya ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, na inakusahan ng una na sangkot umano sa korupsiyon.
Sinabi pa niya, may plano rin silang kontrahin ito at maghain ng kaso.
Samantala, aminado ang DOTr na nag-iisip pa sila ng paraan upang maayos na matukoy kung ang isang pampasaherong jeepney na bumibiyahe ay consolidated o hindi para sa PUV modernization program.
Ayon kay DOTr Undersecretary Andy Ortega, sa ngayon ay magbabase lamang sila sa sticker ng mga marerehistrong PUV para malaman kung ang mga ito ay legal, consolidated o rehistrado.
Sinabi ng opisyal na batid naman ng LTFRB ang mga lugar na mababa ang consolidation kaya ito ang tututukan ng ahensya kasama ang Land Transportation Office (LTO) para mabantayan ang mga kolorum na sasakyang magpipilit pa ring bumiyahe.
At least, kahit paano ay umuusad na ang problemang ito — nagpapakilala na kung sino ang higit na mas matigas at kung sino ang dapat masunod. Sana lang ay huwag humantong sa sakitan at umaasa kaming magiging maayos din ang lahat
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentarios