top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Hirit na P150 umento sa mga manggagawa, dapat lang!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 17, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | March 17, 2023


Good news para sa lahat ng mga empleyado sa pribadong sektor dahil sa isinusulong ng Senado na dagdag sa matatanggap na kanilang suweldo.


Naghain kamakailan si Senate President Miguel Zubiri ng isang panukala na layon na madagdagan ang daily wage ng mga manggagawa sa private sector ng P150 upang makatulong sa matinding epekto ng pagtaas ng inflation.


Matatandaan nitong Pebrero, ang inflation ay bahagyang gumaan sa 8.6% mula sa 14-year high ng 8.7% ng naunang buwan.


Sa isang panayam kay Zubiri, sinabi nitong kailangan na mabigyan ang mga manggagawa ng tinatawag na living wage. Aniya, hindi ito minimum wage dahil ang minimum wage ay hindi maituturing na isang living wage, habang dapat ding matuto tayo na mag-share ng blessings.


Giit pa ng mambabatas, ang desenteng pamumuhay ay nangangailangan ng desenteng suweldo.


Kung ang mga manggagawa ay naglalaan ng mga oras at mga oras ng pagtatrabaho, araw-araw, at sa kabila nito ay hindi pa rin kayang mabayaran ang kanilang rent, bills, at pangunahing pangangailangan, dito na magkakaroon ng problema, ayon sa senador.


Sa kasalukuyan, sa Metro Manila ang may pinakamataas na daily minimum wage na P570 habang sa Bangsamoro Autonomous Region naman ang pinakamababa na P316.


Sa kanyang naging explanatory note ng Senate Bill 2002 o Across the Board Wage Increase Act of 2023, binigyang-diin ni Zubiri na ang isang pamilya na nasa National Capital Region (NCR) ay mangangailangan na ngayon ng isang daily living wage ng P1,161.


Ito aniya ay halos doble sa pinakamataas na bayad na matatanggap ng isang minimum wage worker sa NCR.


Sinabi pa ni Zubiri, na hindi tayo nagbabayad ng decent wage. At kung hindi aniya, natin ito pagtutuunan ng pansin ay magkakaroon tayo ng brain drain at mawawalan tayo ng workers.


Malaking tulong at pakinabang sa mga manggagawa ang panukalang ito na nais na gawin ng gobyerno.


Mabibigyan na rin ng pagkakataon ang mga mamamayan na makapamuhay nang maayos at disente dahil sa magiging maalwan na rin ang buhay pati na rin ang kanilang mga pamilya.


Marahil, kung magkakaroon na ng umento sa sahod ang mga manggagawa, hindi na makakaisip ang iba na magnakaw at mangulimbat para lamang may pambili ng pagkain at pangangailangan.


Ngayon pa lang ay umaasa na ang taumbayan na maipatupad sana ito sa lalong madaling panahon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page