top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Hirap mag-alaga ng sakiting apo at problemado sa anak na ayaw umuwi ng ‘Pinas

  • BULGAR
  • Jun 28, 2021
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 28, 2021



Dear Sister Isabel,


Tagasubaybay ako ng column n’yo at palagi ko itong inaabangan, gayundin hangang-hanga ako sa inyong mga payo sa mga nagpapadala sa inyo ng mga problema nila. Mayroon akong gustong isangguni sa inyo dahil nagkaproblema ako sa aking mga apo na madalas magkasakit. Dalawa silang iniwan sa poder ko ng anak kong OFW at hiwalay sa asawa.


Biyuda at senior citizen ako, kaya marami na rin akong nararamdaman sa katawan dulot ng katandaan at halos hindi ko na rin maasikaso at maalagaang mabuti ang aking mga apo, lalo na ngayong pareho silang maysakit.


Hinimok ko ang nanay nila na umuwi rito upang siya na mismo ang mag-alaga at magpalaki sa mga anak niya. Sinabi ko na hindi ko na kaya, pero tumutol siya sa dahilang wala raw magandang pagkakakitaan dito sa Pilipinas na magkakasya para mabuhay nang maayos ang kanyang mga anak at pati na rin ako na umaasa sa kanya.


Sa palagay ko, kung magsusumikap lang siya o magiging masipag at matiyaga, mabubuhay din kami nang maayos dito at papatnubayan ng Diyos kaysa naman mapabayaan ko ang mga anak niya at ang aking sarili dahil sa patuloy na panghihina ng katawan ko.


Ano ang dapat kong gawin para makumbinsi siyang bumalik at dito humanap ng pagkakakitaan para magsama-sama na rin silang mag-iina at mabuhay ang mga bata na hindi nangungulila sa pagmamahal at pagtangkilik ng sarili nilang ina? Maghihintay ako sa inyong payo.



Nagpapasalamat,

Diana ng Lian, Batangas



Sa iyo, Diana,


Maraming salamat sa pagsangguni mo sa akin tungkol sa problema mo.

Una sa lahat, ipaunawa mo sa iyong anak na tumatanda ka na at marami na ring nararamdaman sa katawan. Dahil dito, hindi mo na kayang alagaan ang iyong mga apo na iniwan niya sa iyo. Ipaunawa mo rin na rito sa Pilipinas, kung madiskarte, masipag at matiyaga ka, tiyak na pagpapalain, uunlad at sasagana siya.


Sabihin mo rin na mas makabubuting kapiling niya ang mga bata sa pagpapalaki rito at pagsubaybay sa tamang landas ng buhay. Sa kanya umano nakasalalay ang future ng mga bata upang hindi mapahamak at malagay sa panganib ang kinabukasan ng mga ito.


Sa palagay ko naman ay mauunawaan ka niya at isang araw, magugulat ka na nand’yan na siya sa inyong piling. Dagdagan mo pa ang iyong panalangin sa Diyos Amang makapangyarihan upang magparamdam sa anak mo na kailangan na niyang umuwi sa Pilipinas alang-alang sa ikabubuti ng lahat.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page