top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg
Search

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | January 25, 2023


Dear Sister Isabel,


Ang problema ko ay tungkol sa kaibigan ko na nakikitira sa akin, pero parang wala nang balak umalis. Nasarapan na siya rito, eh hindi naman puwedeng permanente siyang tumira rito dahil nakakahiya sa pamilya ko.


Nagkaproblema kasi siya sa pamilya niya, kaya lumayas siya at nakitira sa akin, kaya lang, halos isang taon na siyang nandito at wala pa siyang trabaho. Gayunman, palagi siyang umaalis para maghanap ng trabaho, pero hindi naman siya natatanggap.


Ano ang sasabihin ko sa kanya para kusa siyang umalis dito? Ayaw kong saktan ang damdamin niya dahil best friend ko siya. Nawa’y mapayuhan n’yo ako ng dapat gawin.


Hihintayin ko ang inyong payo.

Nagpapasalamat,

Evelyn ng Malabon City


Sa iyo, Evelyn,


Kausapin mo sa malumanay na salita ang best friend mo at sabihin mo ang nais mong sabihin, na gustuhin mo mang patuluyin siya r’yan nang matagal ay hindi na puwede dahil may pamilya ka na dapat isaalang-alang ang kalagayan.


Gayunman, ipangako mo na tutulungan mo siyang makahanap ng malilipatan. Sa palagay ko naman ay hindi manhid ang kaibigan mo para hindi maramdaman na sobrang haba na ng panahon na nakikitira siya r’yan. Hinihintay lang din siguro niya na sabihin mong nahihiya ka na sa pamilya mo at marahil, akala niya ay payag ang iyong pamilya na permanente na siya r’yan.


Sa ganyang diskarte, mauunawaan ka niya at kusa na siyang magpapaalam. Nawa’y makatagpo siya ng pagkakakitaan at makapamuhay nang maayos kahit nag-iisa. Marami namang ganyan sa kasalukuyan – namumuhay nang may sariling kayod at diskarte, at ayaw na pinakikialaman ng sariling pamilya. Naniniwala ako na kakayanin niya ‘yan.


Pansamantala, alalayan mo siya hanggang makatagpo ng trabaho o anumang pagkakakitaan at tirahan kahit bed space lang. Kung gugustuhin niya, puwedeng-pwuede, ‘di ba?


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | March 2, 2022


Dear Sister Isabel,


Isa ako sa mga ina na labis na nalulungkot dahil sa hindi magandang pakikitungo sa akin ng anak ko. Wala man lang akong madamang pagmamalasakit, pag-aalala at pagbibigay ng importansiya bilang ina niya. Madalas tuloy akong umiiyak dahil sa ugali ng anak kong ito.


Wala na siyang ginawa kundi kontrahin ang gusto kong gawin dito sa bahay. Halimbawa na lang ng pagsabat niya ‘pag nagsasalita ako dahil katwiran niya, alam na niya ang sasabihin ko. Mabuti na lang, marunong akong magtimpi at umunawa dahil kung hindi, baka nasaktan ko na ang batang ito. Mabait siya sa ibang tao, pero sa sariling ina, maldita siya. Mas naaawa pa siya sa ibang tao kesa sa akin at pati sa pagkain ay pinagdadamutan ako. Itinatago niya ang pagkain at minsan ay pinababayaran sa akin ang mga nakain ko, pero ang ibang tao ay binibigyan niya pa.


Akala tuloy ng mga kapitbahay namin, napakabuti niyang anak, lalo pa’t maamo ang mukha niya.


Napagpapasensiyahan ko siya dahil naaalala kong mas grabe ang ginawa ko sa nanay ko noong kabataan ko. Palasagot din ako at walang galang sa aking ina. Naisip ko na tama pala ang madalas kong marinig sa iba na kung ano ang gawin mo sa nanay mo ay gagawin din sa iyo ng anak mo. Balak kong mamuhay nang solo para wala na akong sama ng loob. Tama ba ang gagawin ko?


Nagpapasalamat,

Criselda ng Lucban Quezon



Sa iyo, Criselda,


Hindi na ako magtataka kung bakit sa panahon ngayon, mas marami ang inang gustong humiwalay sa anak kaysa makisama pa. Nakikisimpatya ako sa sitwasyon mo. Kung inaakala mong kaya mong mamuhay nang solo, gawin mo na. Kumuha ka na lang ng isang alalay para makaagapay mo sa mga gawaing bahay. Mabuti naman at napag-isip-isip mo na ganu’n ka rin sa ina mo noon kaya ‘yan din ang ginawa sa iyo ng anak mo ngayon. Kaya ang marapat gawin ng mga anak ngayon ay igalang at mahalin ang kanilang mga magulang upang pagdating ng araw, ganundin ang ipakita sa kanila ng kanilang magiging anak, gayundin, hindi nila maranasan ang lumuha at sumama ang loob gaya ng nararanasan mo ngayon.

Dapat nilang maunawaan ang batas ng kalikasan, na kung ano’ng itinanim ay siya ring aanihin at huwag gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa iyo. Lakip nito ang dalangin, nawa’y maging maayos ang pagbukod mo ng tirahan. Hingin mo ang tulong ng Diyos upang gabayan at alalayan ka sa buhay na pinili mo.


Ipagdasal mo rin na hipuin Niya ang puso’t kalooban ng iyong anak at ipaisip sa kanya na mahalin at igalang ka upang balang-araw ay hindi niya danasin ang dinaranas mo ngayon.


Hanggang dito na lang, sumaiyo nawa ang pagpapala ng Dakilang Lumikha.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 01, 2021


Dear Sister Isabel,


Biyuda ako at senior citizen na. Sa awa ng Diyos, may kaunti akong pension at ibinibigay ng anak ko sa abroad dahil ako ang caretaker ng bahay niya. Okay lang naman sa akin dahil mahilig talaga akong mapag-isa. Payapa at panatag ang buhay ko, gayundin, ang sarap sa pakiramdam kapag hindi maingay at nag-iisa lang ako dahil mahilig akong magsulat. Ganadong-ganado akong magsulat ng mga kuwento at iba pa kapag ganito ang paligid. Madasalin din ako at feel na feel ko ang presence ng holy spirit sa loob at labas ng bahay.


Ang problema ko ay tungkol sa anak at mga apo ko dahil lumipat na sila rito. Masaya naman ako na kasama sila, habang nasa Saudi ang aking manugang. Kaya lang, napansin ko na mahina na ang mga tuhod ko at halos hindi na makalakad. Hindi na rin ako tinatablan ng gamot. Hindi ko naman maasahan na alagaan o alalayan ako ng anak ko dahil inaalagaan niya ang mga bata na maliliit pa.


May sarili akong bahay sa probinsiya at balak kong doon na lang tumira para hindi maging pabigat sa anak ko. Pero ang isa pang gumugulo sa isip ko ay mawawalan sila ng kasama dahil sila-sila na lang mag-iina ang narito.


Ibinilin kasi sa akin ng manugang ko samahan ko sila para hindi siya nag-aalala habang siya ay nasa Saudi. Ano ang dapat kong gawin?



Nagpapasalamat,

Rowena ng Batangas


Sa iyo, Rowena,


Maraming salamat sa pagtitiwala mo sa akin tungkol sa problema mo. Karaniwan nang nangyayari ang ganyang sitwasyon na dinaranas mo sa kasalukuyan. Kapag nagkakasakit na ang mga nakatatanda, nag-asawa na ang ating mga anak at nagkaroon na ng mga supling, hindi na nila makakayanang alalayan pa ang kanilang mga magulang. At siyempre, sasama ang loob nila kapag hindi naasikaso ng anak, na sa akala niya ay magiging gabay niya sa pagtanda ay hindi naman pala.


Kaya ang ginagawa ng iba, lalo na ‘yung mga maykaya o mayayaman ay bumibili ng sarili nilang bahay upang doon gugulin ang katandaan. Kumukuha na lang sila ng alalay kaysa umasa sa kanilang anak.


Kung nahihirapan ka sa kalagayan mo ngayon sa piling ng iyong anak at mga apo, kung ano ang makakaluwag sa kalooban mo, ‘yun ang gawin mo. Tumatanda ka na at nangangailangan ng pagkalinga at ilang panahon na lang ay lilisan na rin sa mundo. Gawin mo na ang lahat ng magpapasaya sa iyo.


May sarili ka naman palang bahay sa probinsiya n’yo. Tama ang balak mo na roon na tumira para hindi maging abala at makadagdag pa sa aalagaan ng anak mo. Mamuhay ka nang maayos doon, walang bigat sa kalooban at natitiyak ko na aalalayan ka ng Diyos Amang nasa langit. Gagaling ka at hahaba pa ang buhay mo nang hindi makakabigat sa anak mo. Ipagdasal mo na lang na iligtas sa kapahamakan ang anak at mga apo mo, makayanan ang buhay nila kahit wala ka roon na inaasahan ng manugang mo na kanilang makakasama habang siya ay nasa malayo.


Iwasan mong mamroblema at ipanatag ang iyong isip. Pahinga ng katawan at isipan ang dapat mong gawin ngayon para tuluyan kang gumaling at ma-enjoy pa ang buhay.


Pagpalain ka nawa ng Dios Amang makapangyarihan at bigyan pa ng mahabang buhay.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page